26.5 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 25, 2025

Tulfo: Taasan ang fuel subsidy ng mga mangingisda

- Advertisement -
- Advertisement -

MATAPOS manawagan sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para matiyak ang maayos na pamamahagi ng fuel subsidy sa mga PUV driver sa gitna ng oil price hikes dulot ng tensyon sa Middle East, nanawagan din si Senate Committee on Public Services Chairman Sen. Raffy Tulfo sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na pabilisin at ayusin ang proseso ng pamimigay ng subsidiya para sa mga mangingisda.

Sa pakikipagugnayan ni Sen. Tulfo kay BFAR Assistant Director for Administrative Resources Zaldy Perez, kinuwestiyon niya ang komplikadong sistema ng pamamahagi ng fuel subsidy sa pamamagitan ng voucher o card scheme na magagamit lamang sa piling mga gasolinahan, imbes na diretsong cash na ibinibigay sa mga benepisyaryo—na kinumpirma ni Perez na kasalukuyang ginagawa ng BFAR.

Ayon kay Tulfo, tulad ng iba pang programang ayuda gaya ng 4Ps at TUPAD, dapat direktang ideposito sa bank account ng mga benepisyaryo ang fuel subsidy para sa mga mangingisda upang agad nilang mapakinabangan ito.

Dagdag pa niya, dapat ring itaas ang fuel subsidy mula P3,000 tungo sa P5,000 kada benepisyaryo upang maipantay man lang ang matatanggap nila sa ayudang natatanggap ng mga PUV driver.

Ayon kay Perez, humigit-kumulang 200,000 na mangingisda na may-ari at nagpapatakbo ng motorized fishing boats na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Department of Agriculture (DA) ang nasa listahan ng tumatanggap ng fuel subsidy.

Bagama’t sangayon si Perez sa mga suhestyon ni Tulfo, sinabi niyang tinanggal daw ng Department of Budget and Management (DBM) ang option nila na direktang makapagbigay ng cash sa mga benepisyaryo.

Dahil dito, agad ding tinawagan ni Tulfo si DBM Acting Director for Budget and Management Bureau Gemma Ilagan upang kumpirmahin ang pahayag ni Perez. Pinabulaanan ni Ilagan ang sinabi ni Perez, at ipinaliwanag na wala namang pagbabawal ang DBM sa direktang pamamahagi ng cash, at ang paggamit ng card o voucher daw ay base sa internal guidelines ng BFAR.

Dahil sa magkakasalungat na pahayag, hinikayat ni Tulfo ang BFAR at DBM na agad magusap upang linawin ang mga patakaran at bumuo ng plano na titiyak na ang mga mangingisda ay makatatanggap ng fuel subsidy ngayong taon nang walang delay at direkta sa kanila.

“Dapat mas pinadadali ang proseso ng pamamahagi ng fuel subsidy sa mga mangingisda. Ang assistance para sa kanila ay dapat diretso sa kanila — on time at cash, wala nang pasikot-sikot pa!” giit ni Tulfo.

“Huwag na nating dagdagan pa ang hirap ng mga mangingisdang matagal nang lumalaban sa taas ng gastos at kakulangan sa kita,” dagdag pa niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -