SIMPLE at madaling tandaan ang mga tuntunin sa pagbaybay ng wikang Tagalog (Filipino na ngayon) na inilatag ni Lope K. Santos (LKS) sa kanyang Balarila ng Wikang Pambansa. “Kung ano ang bigkas, siyang sulat … at kung ano ang sulat ay siyang basa.” Hanggang ngayon, 86 na taon pagkaraan, inuusal-usal pa rin ito at nagsisilbing gabay sa pagsulat at pagbaybay ng bata’t matandang sumusulat sa wikang pambansa.
Simple nga lamang at konsistent ang pagbaybay sa wikang Tagalog. Kaya nga, dati, walang paligsahan sa pagbaybay o ispeling sa Tagalog, hindi tulad sa wikang Ingles. Sa Ingles kasi, at sa iba pang mga wika, may mga tinatawag na “silent letters” o iyong mga letra na kasama sa pagsulat ng mga salita pero hindi kasama sa pagbigkas. Halimbawa, “silent” ang L sa salmon, balm, palm, atbp. Pero hindi naman laging silent dahil maraming salitang may L na hindi “silent” ang letrang ito. Sa wikang Espanyol naman, ang letrang H ay laging “silent,” dahil laging hindi binibigkas. Ang mga apelyidong Hontiveros, Herrera, Hidalgo, at iba pa, ay binibigkas na “Ontiveros, Errera, Idalgo.”
Marami pang ibang halimbawa ng mga salita sa Ingles na iba ang bigkas sa sulat at hindi konsistent ang pagbaybay sa mga tunog. Dahil dito, minsa’y may nagbigay ng ganitong palaisipan: Paano bigkasin ang sunurang ito ng mga letra – GHOTI? Sagot: Dapat daw iyang basahing FISH. Ito ang paliwanag: Ang GH ay may tunog na F, gaya ng sa salitang TOUGH (binibigkas na TAF); ang TI naman ay may tunog na SH gaya sa salitang NATION (bigkas: neyshon); ang O naman ay may tunog na I sa salitang WOMEN (bigkas: wimen). Pinatutunayan ng halimbawang ito na sa Ingles, hindi konsistent ang bigkas sa mga letra. Nag-iiba ang basa sa kombinasyon ng mga letra depende sa salita. Kaya, napakaimportante ng diksyunaryo para malaman ang bigkas at baybay ng mga salita.
Sa Filipino, bibigkasin lamang ang salita at ang bigkas ang magsisilbing gabay sa ispeling.
Balikan natin ang sipi mula sa aklat ni LKS na nasa ilalim ng paksang “Mga Simulaing Iginagalang.”
Ilan sa mga simulaing pinagbabatayan ng pagkakapalitan ng mga titik, kapag ang mga salita’y nagbabagong anyo o nag-iibang tungkulin sa pangungusap, sa pamamagitan ng paglalapi, pag-uulit at pagtatambal, ay itong mga sumusund: (a) Na, kung ano ang bigkas ay siyang sulat, alalaong baga’y KUNG ANO ANG TUNOG AY SIYANG TITIK; at kung ano ang sulat ay siyang basa; maliban sa mga padaglat na pagsulat at sa mga paggagad sa ilang palasak na pananalita o mabilisang pagbigkas. (Balarila ng Wikang Pambansa, p. 22)
Nakasulat sa malaking titik ang bahaging ibig kong bigyan ng pansin. Ito ang nagpapaliwanag sa tunay na diwa ng alituntunin tungkol sa pahayag na “Kung ano ang bigkas ay siyang sulat ….” Sinasabi dito na konsistent ang tunog ng mga titik, ano man ang kaligiran, o ano mang letra ang mauna o sumunod sa alinmang titik. Ang bawat isa sa dalawampung titik ng Abakada ay may tig-i-tig-isa lamang tunog at hindi nagbabago. Kaya, 20 letra, 20 ponema o makahulugang tunog. Ang totoo’y may isa pang tunog – ang impit na tunog – na walang representasyon sa Abakada. Pero minarkahan ito ni LKS ng mga diin – pahilis, paiwa, pakupya.
Gayon man, naging literal ang interpretasyon ng madla. Inakala ng marami na sadyang bigkas ang gabay sa pagbaybay. Walang nagtanong kung KANINONG BIGKAS ang susundin. Tandaan natin na nagkakaiba-iba tayo ng bigkas sa iisang salita, batay sa ating unang wika. Ang isang salita, halimbawa’y PEDRO, ay maaaring bigkasing PIDRO o PIDRU depende sa rehiyong pinanggalingan ng bumibigkas. Kaya kung bigkas ang pagbabasehan ng baybay, magkakaiba-iba tayo ng baybay ng iisang salita at hindi kailanman magiging estandardisado ang baybay.
Ang totoo rin, sa natural at mabilis na pagsasalita, ang O ay nagiging U kapag may karugtong na pantig, halimbawa’y hulapi. Ang E ay nagiging I, ang I ay nagiging E. Pero bigkasin mang E o I, hindi naman natin binabago ang baybay ng salita.
Halimbawa: Sa pangungusap na “Ano nga ang kulay ng damit niya?” ang ANO ay tiyak na bibigkasing ANU. Kung ang sagot ay: PUTI, tiyak na ito’y bibigkasing PUTE. Gayon man, kapag sinulat ang diyalogo, ang ANO ay hindi babaybaying ANU, at ang I sa PUTI ay mananatiling I ang baybay, kahit pa PUTE ang bigkas ng sagot. Sa natural na bigkas, ang I ay karaniwang binibigkas na E kapag nasa dulo ng pangungusap.
Ibig bigyang pansin ng talakay na ito na hindi laging totoo, na kung ano ang bigkas ay siyang sulat. Maaaring magbigay ng clue ang bigkas pero hindi ito 100% laging totoo. At isa pa, dalawang magkaiba/magkahiwalay na bahagi ng wika ang palabaybayan (ispeling o ortograpiya) at palatunugan (ponolohiya). May impluwensya sa isa’t isa ang dalawang ito, pero magkaiba pa rin at hindi dapat pag-isahin.
Isang halimbawa: May isang lugar na dinaraanan ng bus sa EDSA sa Quezon City, ang Santolan. Marami sigurong punong santol doon dati pero wala na ngayon. May sign na Santolan sa kantong hihintuan ng bus. Maraming pasaherong bumababa rito, kaya kapag pahinto na ang bus sa Santolan, sasabihin na ng konduktor sa malakas na boses: Santolan, Santolan diyan. Hindi ba, ang O ay nagiging U kapag nilagyan ng hulapi? Kaya,dapat ay SantUlan ang bigkas ng konduktor. Pero dahil SantOlan ang nakasulat na sign, SantOlan ang bigkas ng konduktor, at pati mga pasahero ay SantOlan na rin ang sinasabi.
May bagong tuntunin sa pagbaybay, na kapag daw ang salita ay may dalawang magkasunod na O, sa paghuhulapi, hindi na gagawing U ang O. Halimbawa: BUO. Kapag nilagyan ng hulaping IN, hindi na magiging U ang O, kaya ang mabubuong salita ay BUOIN. Ang totoo, nabulagan yata ako, kasi matay kong tingnan ang salitang BUO, isa lang talaga ang O. Gayon man, masunurin tayo, kaya laganap na ang BUOIN. Dahil ganito ang baybay, maiiba na rin siguro ang bigkas. Kung dati ay BUUIN, mabilis at tuloy-tuloy ang bigkas, ngayon, ito ay bibigkasin nang BU-O-IN, nang may diin sa O.
Gayon na rin siguro ang bigkas sa KA-NI-YA (dating KANYA) at KA-PU-WA (dating KAPWA), nang may diin sa NI at PU.
Ano sa palagay ninyo?