29.9 C
Manila
Martes, Hulyo 8, 2025

Ang PO at ang OPO

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

MAGALANG tayong mga Pilipino. Ang mga Tagalog, may ginagamit na mga salita para ipakita ang paggalang sa mga nakatatanda. Ito ay ang PO at ang OPO. May nagsasabing walang katumbas ang mga salitang ito sa iba pang mga katutubong wika sa Pilipinas, pero natitiyak ko na may ibang paraan ng pagpapahayag ng paggalang sa ibang mga wikang ito, kahit wala silang iisang salitang ginagamit na katumbas ng PO at OPO.

Ang PO ay kasingkahulugan ng OO, at ginagamit kapag ang kausap ay nakatatanda o mas mataas ang posisyon sa trabaho, sa paaralan, o saan man. Basta’t ang kausap ay kagalang-galang at/o iginagalang, o kailangang hayagang igalang.  Isinisingit naman ang PO sa loob ng pangungusap bilang pahayag pa rin ng paggalang.

Hanggang ngayon, natatandaan ko at kabisado pa ang unang tulang itinuro sa amin noong ako’y nasa unang baitang ng elementarya, ang “Ang Po at ang Opo.”

Ganito ang tulang iyon: Ang bilin sa akin ng ama’t ina ko/maging magalangin, mamumupo ako/pag kinakausap ng matandang tao/sa lahat ng lugar, sa lahat ng dako/kapag kausap ko’y matanda sa akin/na dapat igalang at dapat pupuin/natutuwa ako na bigkas-bigkasin/ang PO at ang OPO nang buong paggiliw.//

Siguro, hanggang ngayon, minememorya at binibigkas-bigkas pa rin ng mga bata sa unang baitang ang tulang iyan. Ang totoo, sa aking palagay, naging napakabisa ng tula, at naging napakabisa rin ng pagkikintal sa isip ng mga bata ang paggamit ng PO at OPO sa bawat pahayag kapag ang kausap ay nakatatanda o iginagalang.


Ang kasunod naming henerasyon ay may ginawa nang pagpapatawa ng naturang tula. Ganito: “Ang bilin sa akin ng ama’t ina ko/maging magkakanin, magtitinda ako.

Ganito ang halimbawa ng pag-uusap na ginagamitan ng PO at OPO:

Guro: Magandang umaga, mga bata.

Mga bata: Magandang umaga PO, Titser Anne.

- Advertisement -

Guro: Handa na ba kayo sa ating aralin sa umagang ito?

Mga bata: Handa na PO.

Guro: Ilabas na ang inyong mga aklat.

Mga bata: Opo.

Guro: Ano ang napag-aralan natin kahapon, Rissa?

Rissa: Napag-aralan PO natin ang pangngalan.

- Advertisement -

Ang HO at ang OHO

May variant ang PO at OPO. Sa katunayan, noong bata ako, sa aming bayan ng Malabon, hindi PO at OPO ang gamit naming mga bata kundi HO at OHO. Ginagamit lamang naming mga bata ang OPO kapalit ng OO kapag ang kausap namin ay ang aming mga magulang.

Kapag kausap ang aming mga guro sa loob o labas man ng silid-aralan, HO at OHO ang gamit namin. Kapag kausap ang sino mang nakatatanda o kaya naman ay dapat igalang, HO at OHO ang gamit namin. Kaya natuwa ako nang mabasa ko sa librong Lutong Bahay  ni Glecy Atienza (inilathala ng Sentro ng Wikang Filipino, Unibersidad ng Pilipinas – Diliman) na HO at OHO ang gamit nila sa Tundo. Ang totoo, noong bata ako, mas naririnig ko ang HO at OHO hindi lamang sa aming bayan kundi maging sa labas nito, sa Maynila, halimbawa, noong nagkokolehiyo na ako. Parang bihira kong marinig noon ang PO at OPO.

Nababasa ko rin noon sa mga maikling kwento at nobela ang HO at OHO ng mga tauhan sa mga dayalog o usapan.

Pero ngayon, sa impluwensya siguro ng mga paaralan, hindi ko na naririnig ang HO at OHO. Ako nga mismo, hindi na gumagamit nito. Una, dahil sa tingin ko, wala nang mas nakatatanda pa sa akin. Pangalawa, tila iilan na lang ang natitirang kagalang-galang na dapat pupuin. Di ba iyan ang dalawang kondisyon para gumamit ng PO at OPO (o HO at OHO)? PO at OPO na lamang ang naririnig ko sa ngayon. Tila naglaho na ang tawagin nating variant, ang HO at OHO.

Kaya nga, sinabi ko sa unahan ng artikulong ito, na naging napakabisa ng pagkikintal ng gamit ng PO at OPO. Hindi lamang mga bata ang gumagamit nito sa ngayon.

Naobserbahan ko kasi na kahit matatanda at kagalang-galang, tulad halimbawa ng isa sa mga framers ng Konstitusyong 1987, sa interbyu sa isang podcast, ay gumamit ng PO at OPO kahit ang kausap niya ay may 30 years na mas bata sa kanya. Naobserbahan ko ang pamumupo ng iba pang personalidad na naghanda ng Konstitusyon, pati isang dating associate justice ng Korte Suprema, kahit ang kausap nilang interviewer ay hamak na mas bata sa kanila. Siguro, ito na ang kalakaran – ang paggamit ng mga tanda ng paggalang sa pormal na pag-uusap, lalo’t maraming nanonood/nakikinig. Pati sa mga pormal na okasyon, halimbawa, sa mga publikong lektyur online man o face-to-face, gumagamit ng PO at OPO kahit ang mga nakatatanda sa mga kausap nilang mas nakababatang interviewer man o audience.

Ang PO sa tekstong Ingles

Maging sa mga tekstong Ingles, tumatawid ang pagkamagalang nating mga Pilipino. Narito ang halimbawa ng isang email na natanggap ko may ilang taon na ang nakalilipas.

May I humbly introduce myself PO. I am Mary Anne Santos PO, the editor of your book PO. Enclosed you will find PO your layouted (sic) book. Please feel free to give your comments PO and suggestions for improvement. Thank you PO.

(Note: Nilagyan ko pa rin ng SIC ang salitang layouted bagama’t tila katanggap-tanggap naman ito sa Filipino English at ginagamit na siguro sa mga publishing houses, tulad din ng exited, broadcasted, atbp.)

Iyong “Good morning PO,” “Thank you PO,” “Merry Christmas PO,” at iba pang pagbati sa wikang Ingles, na tinutuldukan ng PO, okay, sige tanggapin na. Iniisip siguro ng nagsasalita na kahit Ingles ang pagbati niya, kailangan pa rin ang hayagang pamumupo bilang paggalang.

Pero iyong singitan ng PO ang bawat pangungusap sa Ingles! Parang hindi alam ng mabunying editor na dalawang magkaibang wika ang pinagsama niya, at hindi niya dapat itawid sa Ingles ang ekspresyon sa wikang Filipino. Nagduda tuloy ako kung tunay ba siyang editor? Hindi kailangan ang PO kapag Ingles ang gamit dahil walang katumbas sa Ingles ang PO at OPO. Pwedeng isingit ang “Ma’am” o “Sir” bilang tanda ng paggalang pero huwag namang may PO na sa dulo, may PO sa umpisa, at may PO pa rin sa gitna, ng pangungusap.

Parang nakakainsulto na ang sobrang paggamit ng PO, sa halip na nagpapakita ng paggalang. Ano sa palagay ninyo?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -