MATAGAL nang kilala ang mga fermented na pagkain sa Pilipinas na may mga bakteryang may benepisyo sa kalusugan, na kilala rin bilang probiotics. Ang burong isda, isang tradisyunal na fermented na isda mula sa Pampanga, ay naglalaman ng isang bakterya na tinatawag na Limosilactobacillus fermentum (L. fermentum), na kamag-anak ng kilalang mga Lactobacillus probiotics.

Gumamit ang mga mananaliksik ng UP Diliman College of Science (UPD-CS) ng genomic at laboratory analysis upang makabuo ng komprehensibong probiotic profile ng dalawang strain ng L. fermentum sa burong isda. Ang kanilang multidimensional na pamamaraan ay nagbunyag din ng mga antifungal na benepisyo ng mga strain laban sa Aspergillus fumigatus (A. fumigatus), isa sa mga pinakakaraniwang fungi na umaatake sa mga taong may mahinang resistensya. Ang kanilang pag-aaral ay hindi lamang nakakatulong para sa pagbuo ng mga bagong probiotic na produkto, kundi ito rin ang posibleng kauna-unahang pag-aaral tungkol sa antifungal na epekto ng L. fermentum laban sa A. fumigatus.
“Historically, probiotic research in the Philippines has relied heavily on culture-based methods and basic molecular techniques,” sabi ni Joshua Veluz mula sa UPD-CS National Sciences Research Institute (NSRI). “This work underscores the value of combining genomics, metabolomics, and assays as a powerful and timely approach to uncovering the full probiotic potential of microbes found in Philippine fermented foods.”
Ayon kay Veluz, isang Kapampangan, interesado siya sa pag-aaral na ito dahil lumaki siyang kumakain ng burong isda. Naging interesado siya sa potensyal nito matapos matuklasan na ang mga pagkaing fermented sa Pilipinas ay may mga benepisyong pangkalusugan bukod pa sa kahalagahan nitong pangkultura. Ito ang nagtulak sa kanya upang simulan ang pag-aaral noong 2019. “This personal and academic connection made the study deeply meaningful to me,” aniya.
Kasama ni Veluz sa pag-aaral sina Paul Christian Gloria at Dr. Maria Auxilia Siringan ng UPD-CS NSRI, pati na rin si Dr. Irineo Dogma Jr. ng University of Santo Tomas (UST).
Isang mahalagang katangian ng probiotics ay ang kanilang kakayahang mabuhay sa mapanirang kondisyon ng digestive system. Natuklasan nilang bagamat nahihirapan ang mga strain na tumubo sa mga lugar na mataas ang asido tulad ng tiyan, wala naman silang problema sa paglago sa mas hindi maasim na bahagi ng gastrointestinal tract.
Dagdag pa rito, natuklasan ng mga mananaliksik na taglay ng mga strain ang ilang gene na kilalang tumutulong sa pagpapalakas ng immune system ng host, gayundin ang mga gene na may kinalaman sa paggawa ng mahahalagang bitamina tulad ng B1, B2, B6, at B9. Napatunayan din na hindi pathogenic ang mga strain at napakababa ng posibilidad na maglipat ng antimicrobial resistance genes.
“Additionally, the strains produce compounds that inhibit the growth of certain fungi known to cause infections,” sabi ni Veluz. Bagamat may mga naunang pag-aaral na na nagpapakita ng antifungal effects ng L. fermentum laban sa iba’t ibang fungi, maaaring ito ang unang pag-aaral na nagpapakita ng potensyal nito laban sa A. fumigatus. Ipinapahiwatig nito na maaaring gamitin ang L. fermentum bilang antifungal na produkto laban sa iba’t ibang fungi, kabilang na ang A. fumigatus.
Sa kasalukuyan, pinag-aaralan pa ng mga mananaliksik ang iba pang probiotic properties ng mga strain at sinusuri ang kanilang katatagan upang matiyak na ligtas itong magagamit para sa mga aplikasyon sa kalusugan. “We aim to further characterize their functional traits and contribute to the growing field of probiotic research in the Philippines, especially using OMICs,” sabi ni Veluz.