29.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Karaniwang sakit sa panahon ng tag-ulan: Isang pagtutok sa leptospirosis at iba pang banta sa kalusugan

- Advertisement -
- Advertisement -

SERYE ng mga bagyo ang dumating sa Pilipinas nitong mga nakalipas na linggo na nagdulot ng walang humpay na pag-ulan at pagbaha sa maraming bahagi ng bansa.Ngunit higit sa banta sa mga ari-arian at hanapbuhay, higit na nakapag-aalala ang panganib sa kalusugan ng mga mamamayan sa panahon ng tag-ulan.

Bumisita si Health Secretary Ted Herbosa sa mga hospital kamakailan. Larawan mula sa The Manila Times

Sa isang video na nakapaskil sa Facebook page ng Department of Health (Philippines), nagbabala si Secretary Ted Herbosa sa mga karaniwang sakit tuwing tag-ulan at pinaalalahanan nito ang mga mamamayan na mag-ingat upang maiwasan ang mga ito.

Aniya ang W.I.L.D. na nangangahulugan ng water-borne diseases, influenza-like dieases, leptospirosis, at dengue ang mga karaniwang sakit sa panahon na tag-ulan na maaari namang maagapan.

Posible ang mga sakit na ito sa alinmang lugar ngunit mas higit ang banta sa mga lugar na may mahinang sistema ng drainage at sanitasyon, lalo na aniya ang mga lugar na “maraming basura.” Isa sa pinakadelikado sa mga sakit na ito ang leptospirosis ngunit hindi dapat balewalain ang iba pang sakit gaya ng dengue, influenza-like diseases gaya ng trangkaso, ubo, sipon, at water-borne diseases gaya ng cholera at diarrhea.

Leptospirosis: Tahimik ngunit mapanganib


Matindi ang naging pagbaha sa maraming bahagi ng bansa lalo na sa malaking bahagi ng Metro Manila nang dumaan ang bagyong Crising, Dante, at Emong na sinabayan pa ng malubhang pag-ulan dulot ng hanging habagat kung saan hindi naiwasan ng marami ang hindi lumusong sa baha, hindi alintana ang panganib ng leptospirosis, isang bacterial infection na sanhi ng Leptospira bacteria na karaniwang nakukuha sa tubig-baha o maging sa lupa na kontaminado ng ihi ng daga at iba pang mga hayop.

Karaniwan itong nakukuha kapag lumusong sa baha ang isang tao na may sugat sa balat o kaya naman, nakalunok o napasukan sa ilong ng kontaminadong tubig ito.

Sintomas ng leptospirosis

Oras na mapasok ng bacteria ang katawan, magsisimula ang sintomas nito mula dalawa hanggang 30 araw kung saan maaari itong makaramdam ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo at kalamnan, pananakit sa likod ng mga mata, paninilaw ng balat at mata (jaundice), pag-ubo, pagsusuka, at pagtatae. Sa malalang kaso umaabot ito sa kidney failure o meningitis.

- Advertisement -

Kung hindi agad malulunasan, maaaring magdulot ang leptospirosis ng komplikasyon sa atay, bato, baga at maging kamatayan.

Ayon kay Secretary Herbosa, hindi dapat lumulusong o nagsu-swimming sa baha dahil marumi ang tubig na ito.

Aniya, naglaan ng gamot ang DOE sa mga klinika kung saan pinayuhan niya ang mga tao na lumusong sa baha at nakaramdam ng mga sintomas na agad magpakonsulta nang makakuha ng kaukulang gamot na irereseta ng mga doktor sa mga klinika.

Hindi naman aniya lahat ng lumusong sa baha ay dapat magpareseta lalo na ang mga wala namang sugat. Aniya, sapat na sa mga walang sugat at ibang sintomas na maghugas ng katawan gamit ang malinis na tubig at sabon pagkatapos lumusong sa baha.

Dengue: Dalang lamok, delikadong lagnat

Dengue ang isa pa sa mga mapanganib na sakit na tumataas ang bilang kapag tag-ulan. Dulot ito ng kagat ng Aedes aegypti na lamok. Ang lamok na ito ay nangingitlog sa malinis ngunit stagnant na tubig na madalas nabubuo sa mga container, gulong, o baradong alulod pagkatapos ng ulan.

- Advertisement -

Sintomas ng dengue

Sintomas ng dengue ang pagkakaroon ng mataas na lagnat na umaabot ng dalawa hanggang pitong araw, matinding pananakit ng ulo at likod ng mata, pananakit ng kasu-kasuan at kalamnan, pagdurugo ng ilong o gilagid sa malubhang kalagayan.

Mapanganib ang dengue hemorrhagic fever dahil maaari itong makamatay kaya’t kinakailangan ang hydration, pahinga at agarang pagpapakonsulta.

Kinakailangan, ani Herbosa, ang “taob, taktak, tuyo at takip” sa mga gamit na maaaring pangitlugan ng lamok.

Trangkaso at iba pang sakit sa baga

Dahil sa malamig at basa-basang panahon, humihina ang resistensya na siyang nagpapadali sa pagkalat ng trangkaso, ubo at sipon. Mabilis itong kumalat sa mga paaralan, opisina at mga pampublikong lugar dahil sa close contact.

Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, ubo, sakit ng lalamunan, panghihina at pananakit ng katawan.Hindi ito kasing delikado ng leptospirosis o dengue pero maaaring magdulot ito ng komplikasyo sa mga matatanda at batang may mahinang resistensya.

Kaya, ayon kay Secretary Herbosa, “kung inuubo, mag-mask na kayo.”

Diarrhea, choleta at iba pang waterborne diseases

Kapag ang inuming tubig ay kontaminado ng dumi o basura dulot ng baha, tumataas ang tsansa ng diarrhea, cholera, typhoid fever, at iba pang gastrointestinal diseases. Madalas itong sanhi ng hindi ligtas na tubig, maruming pagkain, o hindi wastong paghuhugas ng kamay.

Ayon kay Secretary Herbosa, dapat pakuluan ang tubig na iniinom at ginagamit sa pagluluto ng pagkain.

Sintomas

Karaniwan ang pagtatae,pagsusuka, pananakit ng tiyan, lagnat at dehydration sa mga sintomas ng may waterborne disease.

Ang panahon ng tag-ulan ay bahagi na ng buhay ng mga Pilipino, ngunit hindi dapat maging dahilan upang tayo’y magkasakit kung maaari naman itong iwasan. Sa pamamagitan ng tamang kaalaman, maagap na pag-iwas, at pag-aalaga sa sarili, maiiwasan natin ang mga panganib na dulot nito.

Para sa mga emergency na konsultasyon, maaaring tumawag sa DOH emergency hotline 1555, press 2 o kaya naman sa National Emergency Hotline 911.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -