29.6 C
Manila
Martes, Hulyo 8, 2025

Participatory Action Research 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

Paalala: Ang artikulong ito ay katambal ng naunang nailathala ukol sa action research: Action Research 101 – Pinoy Peryodiko

SENTRAL na layunin ng participatory action research (PAR) ang hamunin ang mga kinagisnang praktika sa larangan at maghawan ng alternatibong landas ng pagbabago sa pamamagitan ng kritikal na pagsisiyasat. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga panuntunan at paalala sa praksis ng PAR bilang isang alternatibong moda ng pananaliksik. Batay sa mismong termino, tatalakayin din sa akdang ito ang tatlong mahahalaga at magkakakawing na konsepto: participatory, action at research.

  • Ituring ang komunidad bilang kamananaliksik (co-researcher) na kasama sa paglikha ng karunungan (co-creator of knowledge) at pagbalangkas ng mga alternatibong rekomendasyon (co-producer of solutions). Ito ang dahilan kung bakit participatory ang katangian ng pagsisiyasat na nabanggit.
  • Inaasahang mag-aambag sa pagpapaunlad ng praktika at larangan ang pananaliksik. Samakatwid, praktikal at hindi lamang pang-akademya ang layunin ng pagsisiyasat. Ito naman ang batayan ng pagiging action-oriented ng PAR.
  • Bilang isang sistematikong proseso, mahalaga ang papel ng pananaliksik sa larangan, adbokasiya, polisiya, at alternatibong praktika. Nagbibigay ito ng pagpapatibay at pagpapatotoo sa kinakailangang change praxis. Ito ang dahilan kung bakit kritikal na komponyente tuwina ang research sa proseso ng pag-unlad.
  • Alamin at kilalanin mabuti ang magiging kamananaliksik sa proyekto alinsunod sa konteksto, larangan at relasyong panlipunan (halimbawa: guro kasama ang mga mag-aaral, manggagamot kasama ang mga pasyente, akademiya kasama ang komunidad).
  • Tandaan na nagbubukas ng oportunidad ang participatory action research para kapwa matututo ang bawat sektor sa isa’t isa. Hindi ito isahang-panig (o one-way) na proseso kung ikukumpara sa tradisyonal at palasak na pananaliksik.
  • Unawain ang bulnerabilidad ng mga kamananaliksik at ang pagiging sensitibo ng paksang sisiyasatin. May sapat na paghahanda dapat mula sa akademya upang tugunan ang mga reyalidad na ito.
  • Pagnilayan at tugunan ang mga lumitaw na kontradiksyon sa pagitan ng mga grupo at sektor na maaaring makaapekto sa kabuoang larga at layunin (halimbawa: magkaibang pagpapahalaga, pananaw, prayoridad at timeline).
  • Unawain at hamunin ang mga nananaig na relasyon sa kapangyarihan sa pagitan ng mga sektor (halimbawa: sa pagitan ng mga guro at mag-aaral, sa pagitan ng pamunuan at mga kawani, sa pagitan ng akademya at komunidad). Ingatan mabuti ang tendensiya ng mga taga-akademiya na imonopolisa ang larga at direksyon ng pananaliksik.
  • Planuhin mabuti kung papaano matitiyak ang tuloy-tuloy na partisipasyon ng lahat sa buong larga ng pananaliksik. Iwasan ang tokenismo na lumilikha lamang ng ilusyon ng pagkakapantay-pantay.
  • Isaisip na ang participatory action research ay isang porma ng pagbalikwas sa elitistang pananaliksik. Malaya at aktibo dapat ang partisipasyon ng marhinalisadong sektor sa buong proseso ng pananaliksik.
  • Magsagawa ng mga palihan (o workshop) ukol sa participatory action research upang sanayin ang mga kalahok na miyembro ng komunidad at marhinalisadong sektor sa larangan ng pananaliksik. Makatutulong bilang gabay ang IBON Manual on Facilitating Participatory Research para sa layuning ito.
  • Matuto sa mayaman at hindi matatawarang karanasan ng komunidad sa larangan ng buhay, kabuhayan at pakikibaka. Malaking ambag ito sa ikauunlad at ikatatalas ng pananaliksik.
  • Magtiwala sa isa’t isa at kilalanin ang kalakasan (at maging ang limitasyon) ng bawat isa. Makatutulong rin ang bukas, mahinahon at marespetong pagpuna at pagpuna sa sarili (PPS) o criticism and self-criticism (CSC) upang kagyat na matugunan ang mga hindi pagkakaunawaan.
  • Isapraktika ang etika ng pananaliksik at maging culturally sensitive upang hindi makasakit sa kapwa. Ang apat na prinsipyo ng etikal na pananaliksik ay ang mga sumusunod: beneficence (doing good), non-maleficence (avoiding harm), justice, and autonomy.
  • Tandaan na magkakatambal ang participatory action research at critical pedagogy sa layuning gawing demokratiko at mapagpalaya ang pananaliksik.
  • Huwag ituring ang sarili na nakatataas sa komunidad at batayang sektor. Iwaksi ang aktitud na pagiging piyudal at mala-piyudal sa pakikitungo sa kapwa. Maraming kinagisnang gawi sa elitistang akademya ang kailangan hamunin at baguhin. Isang halimbawa nito ay ang makitid na pananaw na tanging akademiya lamang ang bukal ng kaalaman.
  • Itambol ang boses ng mamamayan. Ito ang dapat maging pinakamatingkad na dimensyon ng pananaliksik. Sa matagal na panahon ay biktima ang batayang sektor ng pambubusal at pambubusabos. Dakilang ambag ang participatory action research upang maging mapagpasaya sila sa proseso ng pananaliksik at manggaling mismo sa kanila ang naratibo.
  • Tukuyin at unawain ang iyong posisyonalidad bilang mananaliksik. Pagnilayan ang kinagisnang pananaliksik at ang mga naging limitasyon nito na salaminin ang panlipunang katotohanan at maisulong ang tunay na adyendang makamasa.
  • Tandaan na ang participatory action research ay dapat maging malayunin at ang pangunahin nitong mga adhikain ay mapataas ang kamalayan ng mga kabahagi, hamunin ang mga nananaig na istruktura ng opresyon at maglatag ng alternatibong sistema at kaayusan.
  • Tiyakin na may mapagpalayang katangian ang teorya at metodolohiyang gagamitin sa pananaliksik. Sinusuhayan dapat ng gagamiting lente at kaparaanan ang mapagpalayang ontolohiya at epistemolohiya ng pananaliksik. Sinasagot ng ontolohiya ang katanungang ano ang katangian ng reyalidad (o nature of reality) at nililinaw naman ng epistemolohiya kung ano ang maituturing na karunungan (o what counts as valid knowledge) at ang mga paraan upang tuklasin ito (o ways of knowing).
  • Isama ang komunidad sa buong proseso ng pananaliksik mula konseptwalisasyon hanggang sa pagpapatupad ng rekomendasyon. Sa konteksto ng participatory action research, ang iterative at cyclical process na ito ay sumasaklaw sa planning, implementation, observation at reflection.
  • Tukuyin ang ugat ng problema kasama ang mga kamananaliksik. Unawain ito mula sa kanilang punto-de-vista. Sila rin mismo ang pinakamaasahan sa usapin ng pagsasakasaysayan at pagsasapook ng mga problema sa lipunan.
  • Isaisip at isapuso ang pagiging magkatuwang ng akademya at komunidad sa pananaliksik at pamumuno (shared research and shared leadership). Kapwa ito kapaki-pakinabang sa parehong sektor dahil nanatili pa rin ang mabigat na hamon ng pagdedekolonisa ng akademya at pagsasakapangyarihan ng komunidad.
  • Balangkasin ang disenyo ng pananaliksik (research design) at ang talatanungan (questionnaire) kasama ang batayang sektor. Sa pamamagitan ng pagsasanay sa participatory action research ng mga kalahok, magiging bihasa ang komunidad sa larangan ng pananaliksik na idinidikta at kontrolado lamang dati ng iilan.
  • Isagawa ang pangangalap at pagsusuri ng datos katuwang ang mga kamananaliksik sa komunidad. Mas pinagyayaman at pinagtitibay ng kanilang danas at damdamin ang praksis at politika ng pananaliksik.
  • Tandaan na magiging likas-kaya (sustainable) lamang ang pananaliksik kapag naging aktibo ang partisipasyon ng komunidad sa buong larga ng proyekto. Ang pananaliksik na ito ay ukol sa kanila, para sa kanila at mula mismo sa kanila. Kaugnay nito, marapat lamang din na ang pananaliksik ay isusulat sa wikang bihasa sila mismo.
  • Gumamit ng photo voice, bodymapping, walking interview, participatory power mapping at countermapping bilang metodo sa pananasiksik. Kasama ang mga paksang ito sa dapat saklawin sa pagsasanay ng mga kamananaliksik. Maaari ring basahin ang artikulong ito ukol sa walking interview bilang panimula: Walking interview bilang alternatibong metodo ng pananaliksik – Pinoy Peryodiko
  • Katuwangin din ang komunidad sa pagpapadaloy ng survey at focus group discussion. Magiging panatag ang mga katugon (respondent), kapanayam (interviewee) at informant (tagabatid) kung alam nilang kasama rin nila mismo mula sa komunidad ang magiging tagapagpadaloy.
  • Tiyaking mag-aambag ang adyenda ng pananaliksik sa kilusang pagbabago, partikular sa larangan ng pagpapataas ng antas ng kamalayan, pag-oorganisa ng komunidad at pagpapa-igting ng adbokasiya.
  • Isapraktika at hindi lamang dapat bukam-bibig ang mga sumusunod na pagpapahalaga (values) sa pananaliksik: tiwala, katarungan, pagkakapantay-pantay, integridad, kolaborasyon, respeto, kritikal na kamalayan, pagkamalikhain, pagpupunyagi at katatagan ng loob. Huwag kalimutan ipook (o ikonteksto) ang mga teorya, konsepto at pagpapahalaga sa panlipunang reyalidad ng komunidad.
  • Gumamit ng angkop na teknolohiya sa pananaliksik. Bahagi rin ito ng pagsasanay na kailangan taglahin ng mga kabahagi sa pananaliksik. Gawing batayan ang etikal na konsiderasyon sa paggamit ng teknolohiya kagaya ng mga recording device.
  • Tandaan na ang pananaliksik ay kailangang maging makabayan at makamamamayan. Aralin at gamitin ang mga natutunan mula kay Linda Tuhiwai Smith ukol sa delocolonizing methodologies at kay Edberto Villegas ukol sa development research as committed research.

  • Huwag kalimutan na dapat kasama ang komunidad sa publikasyon at karapatang-ari ng akda. Karapatan nila ito bilang mga kamananaliksik.
  • Isapraktika ang mga makapagpanibagong-hubog, mapagpalaya at nakakapagsakapangyarihang rekomendasyon ng pananaliksik. Dapat magkaroon ng kongkretong aplikasyon ang pagsisiyasat sa lipunan at may tuwirang pakinabang ang komunidad mula rito.

 

Bilang pagbubuo(d), ang participatory action research ay hindi lamang pananaliksik para sa taumbayan, kundi pananaliksik ng taumbayan mismo. Sa larangan ng participatory action research, tandaan at ipatupad tuwina ang maigting na panawagan ng komunidad: “Nothing about us without us!

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaaring umugnay sa [email protected]

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -