MAHIGPIT na hahadlangan ni Senador Win Gatchalian ang sinumang dayuhang magtangkang kumuha ng Filipino citizenship nang ilegal, katulad ng kaso ni Alice Guo o Guo Hua Ping, kasunod ng panukalang pagpapakilala ng bagong sistema ng civil registration and vital statistics (CRVS).
“Gusto natin ng bagong CRVS system para wala nang sumulpot na isa na namang Alice Guo, ‘yung nagpapanggap na Pilipino at gustong makapasok sa gobyerno para manloko,” sabi ni Gatchalian. Kamakailan lang ay naglabas ng desisyon ang korte na sinasabing walang duda na Chinese ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac.
Layon ng Philippine Civil Registration and Vital Statistics Act, na iniakda ni Gatchalian, na magpatupad ng isang moderno at pinasimpleng sistema ng pagpaparehistro na magtutukoy ng pinakatumpak na pagkakakilanlan ng isang indibidwal para sa layuning administratibo at legal.
Ang panukalang batas ay nagpapataw ng mas mataas na parusa para sa pamemeke ng mga dokumento ng civil registry, pagsumite ng maling impormasyon sa civil registration, at pagpapadali ng paghahanda ng mga dokumento ng civil registry na naglalaman ng mapanlinlang na impormasyon.
Batay sa datos ng PSA noong Nobyembre 2024, hinarang na ng ahensya ang 1,627 kahina-hinalang birth certificates na may kaugnayan sa mga dayuhan, 18 sa mga ito ay inendorso na sa Office of the Solicitor General para sa kanselasyon.