33.6 C
Manila
Linggo, Hunyo 7, 2026

Mabuti ba o masama ang pag-iimpok?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

MAY ilang linggo na ang nakararaan nang may isang estudyanteng nagtanong sa klase ko kung masama o mabuti ang pag-iimpok. Ang tanong ay ibinalik ko sa buong klase at napakaganda ng kanilang kasagutan. Ang sagot ng isang matalinong estudyante ay depende sa sitwasyon o lagay ng ekonomiya.

Upang maunawaan ang tugon, alamin natin ang konsepto ng pag-iimpok. Ang pag-iimpok ay isang bahagi ng kita ng indibidwal o ng buong ekonomiya na hindi ginagamit sa pagkonsumo at iba pang gugulin sa mga huling produkto. Kasama sa pag-iimpok ay ang paglalagak ng bahagi ng kita sa bangko sa  iba’t ibang uri ng deposito tulad ng savings at time deposit. Maaari ding mag-impok sa pamamagitan ng pagbili ng mga bond na inusyu ng mga korporasyon at pamahalaan. Maaari ding mag-impok sa pagbili ng iba’t ibang uri ng seguro. Maaari ding mag-impok sa pagbili ng mga stock ng mga korporasyon. Kadalasan, ang pag-iimpok ay nauuwi sa dagdag na kita at pagkonsumo sa hinaharap dahil kumikita ang pag-iimpok. Ang mga deposito sa bangko ay umaani ng interes na magagamit sa pagkonsumo sa hinaharap. Ang mga bond ay may taunang balik at maaari ding ipagbili sa anumang oras kung ang presyo nito ay mataas. Ganoon din ang mga stock na maaaring tumaas ang presyo sa paglipas ng panahon depende sa lagay ng kompanya. Nagbibigay din ito ng dibidendo depende sa desisyon ng kompanyang nag-isyu ng stock.

Ang mga nabanggit na halimbawa ay mga kusang loob o boluntaryong pag-iimpok dahil ang desisyon sa di pagkonsumo ay ginagawa ng mga indibidwwal o kompanya.  Mayroon ding pag-iimpok na sapilitan, tulad ng pagbabayad ng buwis. Ang desisyon na huwag gamitin ang inyong kita sa kasalukuyang pagkonsumo at ibayad ito bilang buwis ay ginagawa ng pamahalaan. Hindi pwedeng tumutol sa pagbabayad ng buwis dahil ito ay nakasaad sa batas at ipinag-uutos ng pamahalan. Ang paglabag sa batas ay dahilan upang makulong o magmulta ang isang tao.

Masasabi nating mabuti ang pag-iimpok dahil kahit ang mga indibidwal ay nagsasakripisyo sa kanilang kasalukuyang pagkonsumo, ang kanilang pag-iimpok ay ginagamit ng iba’t ibang ekonomikong sector upang mapalawak ang kanilang gugulin. Ang mga kompanyang nangangailangan ng pondo sa pagpapatakbo at paglago ng kanilang negosyo ay maaaring mangutang sa mga bangko. Ang mga pautang ng mga bangko ay nagmumula sa naipong pag-iimpok ng mga mamamayan at iba pang kompanya na idineposito sa mga bangko. Samantala, ang mga kompanya at pamahalaan ay nag-iisyu ng mga bond upang tustusan ang pagpapalawak ng kapasidad at ang deficit ng pamahalaan. Sa pagbebenta naman ng stock, ang mga korporasyon ay nag-aanyaya sa mamamayan na makibahagi sa pagmamay ari ng kompanya. Ang pondong nalikom nila ay magagamit sa pagpapalawak ng kanilang produktibong kapasidad.

Sa kabilang dako, ang sapilitang pag-iimpok tulad ng buwis, inililipat ng mga mamamayan at kompanya ang kasalukuyang pagkonsunmo tungo sa pamahalaan. Mula sa buwis magagamit ito ng pamahalaan upang tustusan ang iba’t ibang gugulin nito na nakatutulong sa pagpapatakbo ng pamahalaan at pagpapasulong ng ekonomiya.


Makikita sa mga pagkakataong nabanggit, ang iba’t ibang uri ng pag-iimpok ay nakabubuti sa buong ekonomiya dahil nagagamit pa rin ang ito sa mga produktibong gawain na nagpapabilis ng paglaki ng ekonomiya hindi lamang sa kasulukayan ngunit sa hinaharap din.

Ngunit, sa mga abnormal na panahon tulad ng resesyon at malawakang depresyon, ang pag-iimpok ay nakasasama sa lagay  ng ekonomiya. Ito ay tinawag ni Keynes bilang paradox of thrift. Ang kabalintunuaan ng pag-iimpok ay nakaugat sa kapaligirang resesyon. Ang patuloy na pag-iimpok ay walang katapat na guguling pangangapital na nagpapasigla ng ekonomiya. Ang pangyayaring ito ay naranasan noong Great Depression na tinatawag ni Keynes bilang liquidity trap. Para bang nabitag  ang mga mamamayan na humawak ng salapi sa halip na gamitin ito sa pagkonsumo at iba pang gugulin. Ang ganitong gawi na paghawak ng salapi sa halip na mga produkto ay bunga ng di kasiguraduhan sa mangyayari sa ekonomiya at kita ng mga mamamayan. Dahil nagbababaan ang presyo ng mga produkto, maaaring lalo pang bumaba ang presyo sa hinaharap kaya’t pinipigilan ang kasalukuyang pagkonsumo at sa halip ang mga mamamayan ay nag-iimpok. Sa mga negosyante, ang mababang interest rate ay hindi nag-eenganyo sa mga ito na mangapital at sa halip ay humawak na lamang ng salapi dahil matamlay ang lagay ng ekonomiya.

Lumabas din ang liquidity trap sa panahon ng resesyon sa Japan nitong mga nakaraang dekada. Sa harap ng nagtatandaang mamamayan, karamihan sa mga ito ay makitid lamang ang pagkonsumo dahil hindi sila nakaseseguro sa kanilang kita sa hinaharap. Kaya’t tinitipid nila ang kakaunting kita at ipon. Sa ganitong pagtitipid nauuwi sa paglala ng matamlay na ekonomiya dahil walang malawakang demand sa kasalukuyang produksiyon. Ito ay nauuwi sa pagbabawas ng produksiyon at empleyo sa hinaharap.

Samakatuwid, ang pag-iimpok ay makabubuti sa ekonomiya kung normal ang sitwasyong ekonomiko o ang ekonomiya ay patuloy na lumalago. Samantala, ang pag-iimpok ay nakasasama kung ang ekonomiya ang nakararanas ng pagtamlay bunga ng resesyon o depresyon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -