29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Bagong simula para sa mga PWRDs sa Central Luzon

- Advertisement -
- Advertisement -

SA hangarin na gawing mas ingklusibo at PWD-friendly ang Pilipinas, at bilang bahagi ng pangarap ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na “Bagong Pilipinas,” patuloy ang Department of Labor and Employment (DOLE), sa pamamagitan ng Employees’ Compensation Commission (ECC), na palakasin ang mga manggagawa na may kapansanan sa ilalim ng programang Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay).

Nagkaloob ang Department of Labor and Employment (DOLE), sa pamamagitan ng ahensyang Employees’ Compensation Commission (ECC), ng mga prosthesis sa mga PWD na sina Junwil Carmelo, John Carlo Reyes, at Fernando Alcibar bilang bahagi ng programang Katulong at Gabay sa Manggagawang may Kapansanan (KaGabay). (Larawan mula sa ECC)

Sa pamamagitan ng KaGabay rehabilitation program ng ECC, nabigyan ng bagong simula ang tatlong indibidwal na may kapansanan (persons with work-related disabilities) mula sa Central Luzon na naputol ang bahagi ng katawan dahil sa aksidente sa lugar-paggawa. Tumanggap ang mga benepisyaryo ng libreng prosthesis mula sa programa, kasama ang therapy, pagsasanay, at tulong-pangkabuhayan.

Nakatanggap si John Carlo Reyes, mula sa Bulacan, ng cosmetic prosthetic ring finger para sa kanyang naputol na kaliwang daliri dahil sa aksidente sa trabaho noong 2023. Nagpasalamat si Reyes sa kanyang natanggap na libreng physical at occupational therapy session, pati na rin ang tulong-pangkabuhayan na isang sari-sari store. Ang programang ito ay hindi lamang nagbalik ng kanyang tiwala sa sarili kundi nagbigay din ng pag-asa sa kanya at sa kanyang pamilya para sa isang mas mabuting buhay.

Tulad ni Reyes, tumanggap din ng tulong at above-the-knee prosthesis si Fernando Alcibar, dating operator mula sa Tarlac, na nakatulong upang kanyang maharap ang mga hamon na dala ng pagkakaputol ng kanyang tuhod nang maaksidente sa trabaho noong 1999.

Isa pang benepisyaryo mula sa Tarlac, si Junwil Carmelo, na dating drayber ng armored truck na naputol naman ang parehong binti dahil sa aksidente noong 2014. Sa pamamagitan ng programang KaGabay, makakabalik na si Carmelo sa kanyang trabaho gamit ang kanyang bagong below-the-knee prosthesis at may bagong kasanayan matapos siyang sumailalim sa computer hardware maintenance at CCTV operation training mula sa partner institution ng ECC.

Ayon kay Nanay Wilma, ina ni Carmelo, ang tulong na ibinigay ng programa ay magbibigay ng positibong pagbabago sa kanilang buhay. “Dahil sa ECC, patuloy ang takbo ng buhay ng aking anak,” pahayag niya.

Binibigyang-diin ng programang KaGabay ang patuloy na pangako at dedikasyon ng DOLE at ECC na pangalagaan ang kapakanan, bigyang proteksyon, at maayos na buhay ang mga PWDs sa buong bansa, bilang tugon sa tagubilin ni Pangulong Marcos Jr. na ilapit at gawing mas ingklusibo ang mga serbisyo ng pamahalaan para sa lahat ng sektor.

“Our PWDs (persons with disability) can rest assured of the government’s effective implementation of beneficial policies and programs that will guarantee equitable opportunities, special interventions, and incentives for them (Makakatiyak ang ating mga PWD (mga taong may kapansanan) ng epektibong pagpapatupad ng mga kapaki-pakinabang na polisiya at programa ng pamahalaan na magbibigay ng pantay na oportunidad, espesyal na interbensyon, at mga insentibo para sa kanila),” wika ng Pangulo sa kanyang 2024 State of the Nation Address.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -