26 C
Manila
Huwebes, Hulyo 10, 2025

Mga salitang pareho ng baybay, magkaiba ng bigkas at kahulugan

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

PAANO bigkasin ang mga salitang ito: BUkas o buKAS? BUhay o buHAY?

Halimbawa: (1) BUkas/buKAS na uli sa mga motorista ang NLex matapos maisaayos ang sira.

(2) BUkas/buKAS na ang huling araw ng pagpapasa ng lahok sa timpalak, kaya tapusin n’yo na ang inyong mga lahok.

Mga halimbawa pa:

(3) BUhay/buHAY pa ang biktima nang dumating ang mga rescuer.


(4) Ang sarap ng BUhay/ buHAY noong pandemic, sabi ng senador, dahil puro online ang pagdaraos ng mga sesyon.

(Ang bahagi ng salita na nasa malaking titik ang may diin sa pagbigkas.)

Maraming salita sa wikang Filipino ang pareho ng baybay pero magkaiba ng bigkas at kahulugan. Dahil hindi yata kumuha ng sabjek na Filipino ang karamihan sa mga tagabasa ng mga balita sa radyo at telebisyon, talamak sa pagkakamali sa bigkas ang mga nagbabalita nang pasalita. O posible ring nakalimutan na ang mga aralin at hindi sila masinop magsaliksik para tiyaking tama ang pagsasalita nila.

Kung sa bagay, hindi naman kaso ng buhay o kamatayan, para sa odyens (audience), o mga nakikinig/nanonood magkamali man ng bigkas. Sa kabuuan ng balita, maiintindihan din naman ng mga nakikinig/nanonood ang mensahe, medyo naaatraso nga lamang ang pagkaunawa. Pero para sa akin, medyo nakakairita ang gayon. Lagi kasi akong naghahanap ng kahusayan sa pinapanood o pinapakinggan.

- Advertisement -

Ang mga salitang BUHAY at BUKAS ang pinakamadalas na nabibigkas nang may magkabaligtad na kahulugan ng mga broadcaster. Madalas kang makakarinig ng balita na BUkas (tomorrow) na ang isinarang kalye na kinumpuni kaya hindi mo agad maisip kung makakadaan na ba sa araw na ito ang mga motorista roon, o baka kinabukasan pa. O kaya naman ay BUhay pa ang biktima gayong dapat ay buHAY pa. Ang Pangungusap #4 ay puwedeng magkaroon ng dalawang sagot: posibleng masarap ang BUhay (life) ng mga senador na pabandying-bandying lang sa mga sesyon sa zoom. Posible ring masarap maging buHAY (alive) dahil tuloy ang sweldo at magpadeliver ng masaganang pagkain habang guTOM (pang-uri, hungry) hindi GUtom (pangngalan, hunger) ang karaniwang tao na kinakaltasan ng buwis para sila makasweldo.

Ang sagot sa mga tanong sa itaas: (1) buKAS; (2) BUkas; (3) buHAY; (4) BUhay. Pwede rin ang buHAY pero iba na ang kahulugan.

Nasa ibaba ang ilan pang salita na nagkakaroon ng ibang kahulugan kapag nabago ng bigkas. Ibinigay ang katumbas sa Ingles sa ilang salita para madaling magkaintindihan.

  1. araLIN – leksyon; aRAlin – (pandiwa) – pag-aralan
  2. Aso – isang uri ng hayop, dog; aSO – usok, smoke
  3. aGAwan – pangngalan, biglang pagkuha ng bagay na hawak ng iba; agaWAN – biglang pagkuha ng hawak ng isa’t isa
  4. BAka – malaking hayop, cow; baKÂ – hindi sigurado, maybe
  5. BAkas – sosyo sa sugal; baKAS – marka ng paa ng tao o hayop, footprint
  6. bakLA – pagkabigla, tigatig dahil sa takot, fear; bakLÂ (may impit) – beki, bading
  7. BAtà (may impit) – paslit, child; BAta (walang impit) – maluwang na damit na isinusuot pagkatapos maligo, bathrobe; baTÁ (mabilis ang bigkas) – tiis, endure
  8. BUhay – pag-iral ng tao o bagay, life; buHAY – masigla, matingkad, hindi patay, alive, vibrant
  9. BUkas – sa susunod na araw, tomorrow; buKAS – hindi sarado, open
  10. BUko – bulaklak na hindi pa buka, bud; murang niyog, young coconut; buKO – nabisto ang di magandang gawa
  11. BUlo – pinong balahibo; buLô (may impit) – batang kalabaw o baka

12 . BUngi (may impit) – naalis ang isa o higit pang ngipin; buNGI (may impit) – kulang ang ngipin

  1. BAsa – pagtunghay at pag-unawa sa nakasulat, read; baSA (may impit) – tigmak sa dugo, pawis, tubig, wet
  2. GUtom – nararamdaman kapag walang laman ang tiyan, hunger; guTOM – walang laman ang tiyan, hungry
  3. BUnot – paghila at pagtanggal sa bagay na nakabaon, tulad ng ngipin o halaman; buNOT – balat ng niyog na gamit sa pagpapakintab ng sahig
  4. BAnat – akto ng pag-unat sa lukot o gusot; baNAT – unat o walang gusot
  5. baSAG – pagiging durog; BAsag – pagkasira ng bagay na gawa sa kristal, atbp.
  6. BAhaw – kaning lamig; baHAW – hilom, pawi na ang masamang loob
  7. MUra – masakit na salita, hindi mahal; muRA (may impit) – bubot pa, hindi magulang
  8. GAling – mula sa; gaLING – husay
  9. siLA – pangmarami ng siya, they; SIla (may impit) – pagsakmal ng malaking hayop sa isa pang hayop upang kainin
  10. TUbo – hungkag na bumbong na gawa sa bakal, goma, atbp.; tuBO – halamang pinagkukunan ng asukal; TUbo (may impit) – pakinabang sa puhunan, pagsilang sa maliwanag

Pansinin na kapag pangngalan ang salita, mabagal ang bigks. Kapag pang-uri, nagiging mabilis. Mga halimbawa: GUtom (hunger), guTOM (hungry); BUhay (life), buHAY (alive); BUkas (tomorrow), buKAS (open); at iba pa.

Subukin nga natin

- Advertisement -
  1. Noong bata pa ako, nagpapangos kaming mga bata ng TUbo/tuBO/tuBÒ na ibinebenta ng kapitbahay.
  2. Hindi makangiti ang bata kasi BUngi/buNGI siya.
  3. BuKO/buKO na ang senador na nagmamagaling.
  4. BUhay/buHAY ang mga kulay sa pintura ng batang pintor.
  5. GUtom/guTOM na ako kaya bilisan mo na ang pag-order ng pagkain.
  6. Siya ay GAling/gaLING pa sa Bulacan.
  7. Delikado ang kagat ng aSO/Aso kapag may rabies.
  8. BAka/baKA hindi na siya makahabol sa atin.
  9. May BAsag/baSAG na ang pinggan kaya itapon mo na.
  10. Palitan na ang BUnot/buNOT na iyan, hindi na makapagpakintab ng sahig.

Ito ang mga tamang sagot: (1) tuBO (2) buNGI (3) buKO (4) buHAY (5) guTOM (6) GAling (7) Aso (8) baKA (9) BAsag (10) buNOT

Tama ba ang mga sagot mo?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -