26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Cayetano sa e-wallet firms: Tigilan niyo na ang pagpapagamit sa online sugal

- Advertisement -
- Advertisement -

NANAWAGAN si Senator Alan Peter Cayetano sa mga digital payment platform nitong Lunes na itigil na ang pagpapagamit ng kanilang serbisyo sa online gambling.

“Konting advice sa mga e-wallets: Tumulong kayo sa bayan. Huwag n’yo nang ipagamit ang inyong platform sa pagsusugal,” pahayag ni Cayetano sa kanyang Facebook livestream nitong July 7.

“Huwag n’yo nang hintayin ang guidelines – kayo na kumilos. Tutal most of you, ang laki naman ng kinikita ng negosyo n’yo,” dagdag niya.

Binalaan din ni Cayetano ang publiko na sa sugal na aniya’y tanging ang operator lang ang tunay na nananalo.

“Sa pagsusugal po, ang nananalo lang talaga ay y’ung bangka — y’ung may-ari. At karamihan sa kanila, tinuturuan pa ang sarili nilang pamilya na huwag magsugal,” aniya.

Kilala si Cayetano bilang isa sa mga leader na tumututol sa lahat ng uri ng sugal, simula pa noong konsehal siya ng City of Taguig kung saan matagumpay niyang hinarang ang pagpasok ng mga casino at gambling establishments doon.

Bilang senador, makailang beses rin siyang naghain ng mga panukalang batas na magbabawal sa lahat ng uri ng sugal, lalo na ang online gambling. Ngayong 20th Congress, inihain niya ang Anti-Online Gambling Advertisement Act of 2025 na magbabawal sa anumang uri ng online gambling promotion sa TV, radyo, dyaryo, social media, at billboard.

Katuwang ito ng panukalang Ban on Online Gambling Act kung saan co-author siya ng kapatid na si Senator Pia Cayetano, para ipatigil ang lahat ng online gambling — lokal man o dayuhan.

Sa kanyang livestream, muling iginiit ni Senator Alan ang paninindigan niyang gamitin ang kanyang plataporma sa Senado para labanan ang mga nakalululong at mapanirang gawain, gaano man ito kapopular o ka-impluwensya.

“‘N’ung 2022 election, number one tayo sa Pulse Asia ng December. Pagdating ng May, I was number four, then ended up seventh,” aniya.

“Each part of the way, sinasabi sa akin, ‘Alan, panay ang [kontra mo sa] e-sabong, vape, e-cigs. Grabe ang pera d’yan, may backer y’an, may mga sinusuportahan sa pulitika,'” dagdag niya.

“Pero sabi ko, ‘Oo, pero ‘pag nanalo ako, y’an talaga ang lalabanan ko.’ Ngayon may platform ako, kaya tuloy ang laban,” wika ng senador.

Nagpasalamat naman ang senador sa mga miyembro ng media sa pagbibigay-pansin sa mga unang panukalang batas ng mga senador para sa 20th Congress.

“Y’ung anti-online gambling bill, nabigyan ng mas malawak na exposure kasi ramdam talaga ng media na problema ito sa ating lipunan,” ani Cayetano.

Pinasalamatan din niya ang publiko para sa aniya’y aktibo nilang pakikilahok sa mga usaping pambansa, lalo na ang kanyang online community na masusi aniyang sumusubaybay sa mga panukalang batas.

Bilang chair ng Senate Blue Ribbon Committee, nangako si Cayetano na gagamitin niya ang kapangyarihang pang-oversight ng Senado upang tiyaking hindi mababasura o mapapalambot ang mga batas na may tunay na layuning magprotekta sa bayan.

“Part of our job ay gamitin y’ung Blue Ribbon Committee at oversight powers para hindi po ibasura ang mga safeguards ng ating batas,” aniya.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -