IKINABABAHALA ni Sen. Raffy Tulfo ang napaulat na pag-atake ng Houthi rebels sa Greek-owned bulk carrier Eternity C lulan ang ilang Filipino seafarers habang lumalayag ito sa Red Sea malapit sa baybayin ng Yemen noong July 7.
Ayon sa ulat ng European Union Operation Aspides at sa private security firm na Ambrey, patungong Hilaga pa-Suez Canal ang nasabing barko nang paulanan ito ng bala ng rebeldeng grupo mula sa maliliit nilang bangka. Gumamit din ang mga rebelde ng mga drones na kargado ng mga bomba.
Kaya agad na nakipag-ugnayan si Sen. Raffy Tulfo sa Department of Migrant Workers (DMW) para alamin ang kalagayan ng ating mga kababayang marino na sakay ng nasabing barko.
Sinabi ni Tulfo na ayon kay Sec. Hans Leo Cacdac, naka-deploy daw ito sa isang misyon sa ilalim ng UN World Food Programme kung saan may dala itong grain cargoes at papunta sana ng Jeddah, Saudi Arabia para sa refueling bago ito lusubin.
Sinabi ni Cacdac na 21 sa 22 crew ng Eternity C ay mga Pinoy, kabilang na ang kapitan. Pero sa ngayon, wala pa raw opisyal na kumpirmasyon kung ilan ang nasawi, nasugatan o nawawala.
Gayunpaman, kasulukuyan na itong vina-validate ng ating Defense Attaché sa Bahrain sa UK Maritime Trade Operations (UKMTO) at sa mga principal ng barko na Cosmoship at LMA Status Maritime.
Bilang pre-cautionary measure, sinuspinde na raw ng DMW ang pagdedeploy ng LMA ng Filipino seafarers sa kanilang mga barko.
Sinabi ni Sen. Raffy sa DMW na ipagpatuloy lang nila ang kanilang ginagawang verification at investigation upang agad nang maipaabot ng ating gobyerno ang tulong para sa mga seafarer na nangangailangan, at makapagkasa ng rescue operations para na rin mapanatag ang loob ng mga pamilya ng mga marino na nag-aalala dito sa Pilipinas.
“Ang aksyon ng ating gobyerno ay magsisilbing pag-asa para sa mga nagaalalang pamilyang ng ating mga seafarer,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Dahil sa mga sunod-sunod na pag-atake ng mga barko sa Red Sea sa nakalipas na dalawang taon, dapat ikonsidera ng DMW ang pagbabawal ng deployment ng Filipino seafarers sa mga barkong dumadaan dito at mailipat na lang sila sa mga barkong dumadaan sa mga mas ligtas na rotang pandagat.”
Nangako rin si Sen. Tulfo na patuloy niyang imomonitor ang developments sa insidenteng ito.