ANUMAN ang magiging resulta ng labanan sa liderato ng Senado, mananatiling independent si Sen. Panfilo “Ping” Lacson at itutuloy niya ang kanyang trabaho bilang fiscalizer.
Sa panayam nitong Miyerkules ng hapon, ipinunto ni Lacson na ang mahalaga ay ang pagtayo at paglaban para sa prinsipyo sa isyu, at hindi ang pakikipagalyansa.
“Maski saan ako mapunta, independent ako mag-isip. At mga position ko mula’t sapul independent of the stand or position ng majority or minority kasi nakatikim ako mag minority at nakatikim ako maging majority,” aniya sa panayam sa One News.
“Ang tayo ko palagi I don’t need the pork or perks. So I don’t care if I’m with the minority or majority,” dagdag niya.
Iginiit din ni Lacson na hindi siya hihingi ng komite sa Senado, lalo na’t mas marami ang 38 komite kesa 24 na senador.
Dagdag niya, nang binigyan siya ng itinuturing ng ilan na “latak” na komite – ang Committee on Civil Service and Government Reorganization – maraming batas ang naipasa niya kabilang ang Anti-Red Tape Act of 2007, Philippine Dental Act of 2007, at ang Real Estate Service Act of the Philippines, at marami pang iba.
“Maski maganda ang committee mo, kung tamad ka naman, wala kang maipapasa. Pero maski latak ang committee mo at masipag ka, marami kang maipapasa, basta ginagawa mo ang trabaho mo,” ani Lacson.
Iginiit din ni Lacson na mananatili siyang fiscalizer, dahil kahit noong nasa majority siya at nag-sponsor sa budget ng ilang ahensya, nag-interpellate pa rin siya sa kwestyonableng item sa budget ng ibang ahensya.
Dahil sa kanyang pagbusisi sa budget sa nakaraang 18 taon, nakatipid ang Pilipino ng P300 bilyon.
“Noong sa majority ako, vice chairman ako ng finance committee. Naging sponsor ako ng budget ng DND, CHR at ibang agencies yet nagfi-fiscalize ako sa budget. Interpellate ako sa floor and committee hearing. Ang dami kong nasa-save, nagulat ako nakwenta ng staff ko sa 18 years, P300B ang naisalba dahil nai-correct,” aniya.