Kooperatiba, nakinabang sa modernong paraan sa produksyon ng de-kalidad na kabute mula DOST Central Visayas

0
101

Ni Claire Bernadette A. Mondares, DOST-STII

UPANG matulungan ang mga magsasaka na makapagparami ng de-kalidad na kabute, isang modernong paraan ang ibinahagi ng Department of Science and Technology (DOST) sa isang grupo ng magsasaka sa lalawigan ng Cebu.

Sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP), itinayo ng Department of Science and Technology-Central Visayas ang kauna-unahang fully automated climate controlled growing house para sa Cebu Province Mushroom Commerce Agriculture Cooperative o CMPGAC.

“Ang fully automated climate control growing house ay isang modernong smart chamber or smart agriculture system na gumagamit ng Internet of Things sensors para sa 24/7 na pagbabantay sa temperatura, halumigmig o humidity, at lebel ng carbon dioxide sa produksyon ng mushroom,” saad ni Dr. Tristan Abando, regional director ng DOST-Central Visayas sa isang panayam sa Radyo Siyensya.

Dagdag niya, gamit ang automation gaya ng programmable logic controller o PLC at human machine interface, kusang naiaayos ang paligid o klima sa loob ng chamber tulad ng pagdidilig o pagpapalit ng hangin upang masiguro ang perpektong paglaki ng mga kabute.

Ayon kay Dr. Abando, ang teknolohiyang ito ay mahalaga rin para sa mga high-value mushrooms tulad ng shiitake at ganoderma na mahirap patubuin sa natural na klima ng Cebu, lalo na sa mainit na panahon.

Kilala ang mga kabute na sensitibo sa temperatura at halumigmig. Ayon kay Dr. Abando, maaaring bumagal ang paglaki ng mga kabute at bumaba ang ani kapag masyadong mainit o masyadong malamig ang klima.

“Sa pamamagitan ng automated system, naiiwasan ang human error at nasisiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng mga de-kalidad na produkto na walang preservatives. So, layunin nitong itaas ang kita ng mga lokal na magsasaka at gawing world-class ang industriya ng kabute o mushrooms sa buong probinsya,” saad ni Dr. Abando.

Dahil sa napatunayang tagumpay ng kooperatiba sa pagpapatakbo ng oyster mushroom farming at sa pagkakaroon nito ng mahigit 70 na aktibong miyembro mula hilaga hanggang timog ng Cebu, nakita ng DOST-Central Visayas ang malaking potensyal ng CMPGAC upang maging benepisyaryo ng proyekto.

“Sila ay mayroon ng established market or buyers at mayroon na silang mga saleable na products gaya ng Mushroom Delight, chicharon, at bagoong na nagpapakita ng kanilang kahandaan sa agribusiness. Kaya mahalagang aspeto rin ang kanilang dedikasyon sa training at research kung saan naglakbay pa sila sa Mindanao, upang pag-aralan ang mga high-value species gaya ng shiitake bago pa man ma-upgrade na ito sa ating project,” saad ni Dr. Abando.

Nagsimula ang proyekto sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology o CEST, ngunit sa tulong ng agham at teknolohiya, mas napalago ng kooperatiba ang kanilang pagsasaka ng kabute at nagpatuloy sa pag-upgrade ng kanilang mga kagamitan sa pamamagitan ng SETUP.

Ayon kay Dr. Abando, sa pamamagitan ng CEST at ng SETUP, nabibigyan ang mga komunidad, kooperatiba, at mga micro, small, medium enterprises o MSMEs ng access sa makabagong teknolohiya at kagamitan upang makagawa ng world-class na produkto.

Samantala, bagama’t may takot na maaaring bumaba ang mga oportunidad para sa mga manggagawa dahil sa mga teknolohiyang ito, nilinaw ni Dr. Abando na hindi iyon ang layon ng proyekto.

“Ang automation sa project na ito, hindi para palitan ang tao, kundi upang masiguro ang mataas at tuloy-tuloy na ani ng mga high value mushrooms. So dahil sa pagtaas ng production, lumilikha ito ng mas maraming trabaho sa paggawa ng mga valueadded na products, ngayon ang mushroom chicharon, kape,” saad ni Dr. Abando.

Samantala, plano rin ng DOST-Central Visayas na i-replicate ang Smart Mushroom House sa buong rehiyon o maging sa ibang rehiyon upang maging pioneer ang rehiyon sa modernong production ng mushroom. Ani Dr. Abando, ang kasalukuyang proyekto sa Cebu ay magsisilbing ‘proof of concept’ upang maging perpekto ang teknolohiya bago pa man ito ipatupad sa ibang mga probinsya gaya ng Bohol, Siquijor, Negros Oriental, at maging ibang probinsya sa Visayas.