28.6 C
Manila
Sabado, Hulyo 12, 2025

Pakinggan sana ang hinaing ng mga OFW tungkol sa online voting — Sen  Robin

- Advertisement -
- Advertisement -

NANAWAGAN si Sen. Robinhood “Robin” Padilla nitong Huwebes ng hapon (Abril 10) na pakinggan ng mga kinauukulan ang pangamba ng mga overseas Filipino workers (OFWs) tungkol sa online voting sa darating na halalan.

Sa pulong pangbalitaan sa Quezon City, ikinuwento ni Padilla na sa mga nakausap niyang OFW sa ilang bansa sa Europa at Gitnang Silangan, mas kampante sila sa dating ginagawa at hindi sa online voting.

“Itong issue ng online, sa totoo lang, ako ay galing sa ibang bansa. Nanggaling ako The Hague, Germany, Poland, Qatar at ibang lugar … Lahat sila, ang pakiusap, gusto nila yung dati nilang ginagawa, kung anong kinaugalian nila,” aniya.

“Hindi ako nandito para makipagkontrahan sa Comelec. Ang puso ng OFW medyo alanganin sila sa online,” dagdag niya.

Ani pa ni Padilla, ilan sa mga OFW ay nag-iisip na mag-boycott sa halalan, kung kaya’t kailangan niyang pakiusapan ang mga OFW na huwag mag-boycott.

Iginiit niya na mahalagang makaboto sila, at handa siyang sumama sa kanila sa pag-enrol para bumoto sa Mayo.

“Kahit ako na sumama sa inyo mag-enrol kayo sapagka’t kailangan ninyong bumoto,” ayon kay Padilla.

“Pero sana po sa ating namumuno sa bayang ito lalo na sa Comelec, intindihin nyo sana ang damdamin ng ating OFW. Yan din hiling namin sa Korte Suprema,” dagdag niya.

Aniya, mas mainam kung mabigyan ng “tamang panahon at oras” ang mga OFW para matugunan ang kanilang mga pangamba.

Samantala, pinaalalahanan ni Padilla ang sambayanan na sila ang pinakamakapangyarihan sa araw ng eleksyon, kung kaya’t dapat silang mamili nang mabuti kung sino ang mamumuno sa kanila.

“Mga mahal kong kababayan yan ang kapangyarihan nyo sa araw na yan… kaya ang pakiusap ko sa inyo, maging mapagbantay kayo, maging mapagmatyag, dahil sa araw na yan pag boto niinyo una ay di nabilang o ang boto naiba, ibig sabihin niyan ay tinanggalan kayo ng kapangyarihan,” aniya.

“Dapat ipaglaban ninyo ang kapangyarihan ninyong yan dahil yan ang magdedesisyon ng kinabukasan ng ating bayan. Wag nyo ipagpapalit ang araw na yan dahil yan ang araw ninyo,” dagdag niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -