SINABI ni Senate President Win Gatchalian, na kung kukuha at magde-deploy ng mga school counselor associates, unahin ang mga lugar na may mataas na naiuulat na insidente ng bullying.
Sinundan ng pahayag ni Gatchalian ang paglalabas ng Civil Service Commission ng Qualification Standards para sa School Counselor Associate I. Itinatag ang posisyong ito sa ilalim ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) upang matugunan ang kakulangan ng guidance counselors at suportahan ang pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program.
Nauna nang tinukoy ng isang pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang Regions XIII at IV-B MIMAROPA bilang mga rehiyong may pinakamataas na insidente ng bullying. Sumunod dito ang Regions XII, V, at I.
Sa ilalim ng 2026 national budget, naglaan ng P2 bilyon para sa pagkuha ng 10,000 School Counselor Associate I.
“Sa pagsugpo natin sa bullying at karahasan sa mga paaralan, mahalagang unahin natin ang mga lugar na higit na nangangailangan ng tulong,” sabi ni Gatchalian.
“Sa ganitong paraan, masisiguro nating magiging epektibo ang paggamit ng pondong inilaan natin para sa mga propesyonal na manguna sa pagpapatupad ng ating programa para sa mental health ng mga mag-aaral,” dagdag ni Gatchalian.

