28.7 C
Manila
Biyernes, Hulyo 10, 2026

Porum Kontra 2016 PCA Award 

- Advertisement -
- Advertisement -

LINGGO, Hulyo 12, ang Ika-Sampung Anibersaryo ng 2016 Permanent Court of Arbitration (PCA) Award. Bilang paggunita sa kahatulan, magdaraos ang Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI) ng isang forum sa layunin na patuloy na patampukin ang tunay na kahalagahan ng desisyong arbitral.

Mula nang ipalabas ang kahatulan, iyun na ang pinanghawakan ng PIlipinas upang igiit na  sa kanya ang aniya’y West Philippine Sea, ano pa kundi ang mula pa sa kanununuan ng kasaysayan ay nakilala nang South China Sea.

Tampok sa porum ay ang Foundational Lies On The 2016 Arbitral Award, eksposisyon ng mga kasinungalingang ipinakalat nitong nagdaang sampung taon upang katwiranan ang malawak na pambabaluktot sa kasaysayan at batas internasyonal na likha ng 2016 arbitral ruling. Ang obtra maestrang sanaysay na inilimbag ng Asian Century Journal ay sinulat ni Adolfo Paglinawan, mahabang panahong anchor ng mapublikong palatuntunang Ang Maestro Atbp. – The Unfinished Revolution sa PTV 4. Kasama si Paglinawan, higit na kilalang Ka Ado, ni ACPSSI President Herman Tiu Laurel sa pamamatnugot sa okasyon, na nagtatampok naman kina RJ Javellana, President, WARM-UFCC United Filipino Consumers and Commuters, at Dating Senador Nikki Coseteng (Senate of the Philippines 1992-2001), President/CEO, Diliman Educational Corporation, bilang mga pinagpipitaganang Reactors.

Asahan ang pamumukadkad ng matapang at matalinong pagdalirot at paglinaw kung bakit ang 2016 PCA arbitral ruling ay ang pangunahing siyang naglulublob sa Pilipinas sa geopolitical na kumunoy ng imperyalismong Amerikano.

Sa ganang kolum na ito, gustuhin man nating pagbigyan ang paanyaya na magpartisipa,  nagkataong ang porum ay sa araw ng Biyernes gagawin at ang  araw na ito ang isa sa tatlong nakalaan sa lingguhang dialysis procedure na aking ginagawa nang walang humpay sa Antipolo City Hospital System, Annex IV.

Kaya habang binubuno ng mga nasyonalistang tunay ang ngayo’y pinakamalaking balakid  sa pag-unlad ng Pilipinas, ang inyong linkod ay napipilitang intindihin lamang ang sariling kaligtasan.

Sa anu’t-anuman, meron din akong likhang piyesa, How China May Counter The Weaponization of The PCA Ruling, na labas bukas sa The Manila Times. Hayaang ito man lang ay maging aking ambag sa mga pagsisikap na pahulagpusin ang minamahal na Pilipinas sa di-mapuknat-puknat na pagkakabaon sa mga kuko ng imperyalismong Amerikano.

Matagal ko nang itinigil ang gawaing paglalantad sa mga, kung turingan ni Ka Ado, ay “foundational lies” na siyang kalamnan ng 2016 arbitral award.

Wasto siya roon.

Ang buong kahatulan ay pawang tindigang kasinungalingan na nagpapagiging-totoo sa pang-unawa ng balana. Noon pang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, malawakang praktika na iyon ni Joseph Goebbels sa kanyang pagsagawa ng propagandang pandigma ng Nazi. Batayang prinsipyo ni Goebbels ay ang Big Lie, na sa pagbubuod ay ganito ang sinasabi: Higit na kapanipaniwala ang isang grandiyosong kasinungalingan kaysa sa isang maliit na katotohanan.

Alalahanin na ang PCA arbitral proceedings ay ibinunga ng Scarborough Shoal Standoff sa pagitan ng MV Gregorio del Pilar at barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) noong 2012. Sa panahong iyun, natamo na ng Chinaang kahandaan sa digmaang pangtubig kontra Estados na, batay sa mga aktwal na ehersisyong pandigma, mawalan man ng 50 warship ang China, meron pa rin siyang matitirang 48 upang magpatuloy sa giyera, samantalang ang America ay ubos na. Sa Scarborough Shoal Standoff, maliwanag na ang Estados Unidos ay nasa depensiba at ang tanging lusot ay umatras. Sa pamamagitan ng noon ay Secretary of Foreign Affairs Albert del Rosario, kilalang pinuno ng Stratbase ADRi, think thank na kontrolado ng CIA, nakumbinsi si noon ay Pangulo Benigno Aquino III na iatras na muna ang MV Gregorio del Pilar. At noon pa man, sa pamamagitan ng PLAN ay napusisyunan na ng China ang Scarborough Shoal.

Sumunod na pangyayari, ang Pilipinas ay naghain ng arbitration complaints laban sa China sa PCA.

Ano ang arbitration complaint samakatwid?

Iyun ay ang kung tawagin ni Sun Tzu sa kanyang Art of War ay “one step backward,” pansamantalang isang-hakbang na pag-atras upang sundan ng “two-steps forward” na pag-abante sa wastong panahon.

At sa gayon ay manalo sa digmaan.

Ano ang nangyari oras na inilabas ng PCA ang hatol na ang Nine Dash Line Map ng China ay iligal?

Naging pursigido na ang Pilipinas sa paggiit na ang West Philippines Sea kuno ay sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas ayon sa mga pamantayan ng United Nations Convention on the Laws of the Sea (UNCLOS). Ang dating mga kinukunsinti lamang na mga resupply missions ng Philippine Coast Guard (PCG) – na siyang naging kalakaran sa nagdaang tatlong dekada – sa nakabalahurang MV Sierra Madre sa Ayungin Shoal ay biglang-biglang  nahalinhan ng paggiit ng Pilipinas na, “Amin ito.”

Dating mga kapatid na binibiyayaan ng kagandahang loob ng China ay di kaginsa-ginsa’y naging mga mapanuway at agresibo.

Sa resultang ito maaaring determinahin kung ano talaga ang 2016 PCA ruling.

Ito ay instrumento ng pakikipagdigma.

Unang-una, markahan ang petsa ng Scarborough Shoal Standoff, 2012. Iyon ay isang taon makaraang linawin ni Dating United States Secretary of State Hillary Clinton ang istratehiyang Amerikano sa Asya Pasipiko. Sa artikulong inilathala ng Foreign Policy website noong 2011, ipinahayag ni Clinton: “The future of politics will be decided not in Afghanistan or Iraq but in Asia. And the United States will be right at the center of the action.”

Sumunod na taon, 2012, isinuko ng Pilipinas ang Scarborough Shoal, dinala ang usapin sa PCA at naganap sa sumunod na apat na taon ang arbitral proceedings na noon ngang 2016 ay naghatol na ang Nine Dash Line Map ng China ay iligal.

Ngunit kadiin-diin ng China na ang kanyang soberaniya ay hindi nakabatay sa Nine Dash Line Map kundi sa “territorial at maritime” na realidad na kinilala na ng komunidad internasyunal mula pa sa kanununuan ng kasaysayan.

Malungkot sabihin, iyon ang totoo.

At dito mo huhusgahan ang patakaran ng China.

Dapat bang ganito?

Na sa giyera, ang mga bagay ay dapat na nakabatay sa kung ano lamang ang totoo?

Balikan ang sinabi ni Goebbels noon pang WWII.

“Higit na kapanipaniwala sa balana ang isang grandiyosong kasinungalingan kaysa sa maliit na katotohanan.”

Mula pa noong 2016, si Raymond Powell, director ng kontrolado ng CIA na Sealight, think tank na nakabase sa Standford University, ay nagpista na sa pagpapasabog sa media ng mga di-umano’y panghihimasok ng China Coast Guard sa exclusive economic zone ng Pilipinas. At sa bawat pagkakataon ay tagumpay sa pangmatagalang intensyon na sa mata ng mga Pilipino ang China ay pagmukhaing demonyo.

Natatandaan ninyo ang di pa katagalang panahon na ultimong mga senador at kongresista ay nangagsipagpipiyesta sa pagkondena sa China sa diumano’y panghihimasok sa territorial at maritime sovereignty ng Pilipinas – hindi sa kung ano pa mang patotoo kundi dahil ang nasabing panghihimasok ay alinsunod sa 2016 PCA arbitral ruling.

Noong Oktubre 7, 2025, si Raymond Powell ay nagtestify sa US Senate Foreign Relations Subcommittee on East Asia hinggil sa aniya’y paggamit ng China ng “gray zone tactics” sa South China Sea.

Ibig sabihin ng “gray zone tactics” ay mga kilos pandigma na, bagama’t hindi pa ganap na pandigma nga.

Magkaganunman, sa pag-ulit-ulit na pagkilos nang ganun at pagwawagi sa bawat panahon, ang naisusulong ay ang estratehikong obhetibo.

Ganun kadetalyado ang paglalahad ni Powell sa nasabing taktika, na kung kaya di-maiiwasang isipin ng isang malalim na magmasid na ang inilalahad ni Powell ay sarili niyang karanasan – ano pa kundi ang walang katapusang pagsangkalan sa 2016 PCA ruling upang kontrahin ang China sa ligal na mga law-enforcement na hakbang nito sa South China Sea.

Sa paulit-ulit na paggawa ng ganong mga hakbang at sa pagwawagi tuwi-tuwina, ano ang naisusulong kundi ang estratehikong layunin ng Amerika na pilayan ang China sa pilit na pagpigil nito sa hegemoniya ng Estados Unidos sa Asya Pasipiko.

Nakakalulungkot sabihin,  malinaw na tinatahak ng China kaugnay ng 2016 PCA ruling ay ang paggiit sa katotohanan na ang kalakhan ng South China Sea ay sa China.

Hindi iyon ang isyu.

Ang isyu ay inagaw nga ito ng Amerika sa pamamagitan ng Pilipinas. Papaano ito lalabanan ng China, sa pamamagitan ng ligalidad?

Malabo.

Ang 2016 PCA arbitral award ay sandata sa giyera ng Amerika kontra China. Sandata rin sa giyera ang nararapat na ipinantatapat dito.

Ano?

Hindi ako Heneral. Ako’y isang hamak na peryodista lamang.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -