BILANG patiuna, si Senador Francis “Chiz” Escudero ang Senate Presiding Officer ng Impeachment Trial Court na naaatasang lumitis sa Articles of Impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte na ipinorward sa Senado sa pagtatapos ng 19th Congress noong 2025. Siya ang nag-apruba sa motion ni Senador Ronald “Bato” de la Rosa na tanggihan ang Articles of Impeachment na sinigundahan ni Senador Alan Peter Cayetano na may amyenda na ibalik ang Articles of Impeachment sa Mababang Kapulungan at pasertipikahan kung ito ay hindi lumalabag sa one-year bar rule at kung ito ay maaaring litisin ng 20th Congress.
Kagilagilalas na mismong sa panahon ding iyon dinesisyunan ng Korte Suprema ang petisyun ng Bise Presidente na ideklarang lumabag sa one-year bar rule ang Articles of Impeachment laban sa kanya. Sa kadulu-duluhan, bagama’t sinertipikahan ng Mababang Kapulungan na hindi lumabag ang Articles of Impeachment sa one-year bar rule, ipinahayag ni Escudero na sundin ang hatol ng Korte Suprema na ang Articles of Impeachment ay unconstitutional.
At sa ganong mga kalagayan, walang pag-aagam-agam na ang Articles of Impeachment laban kay Sara noong 2025 ay idineklara ni Escudero na “archived”.
Ano ang magagawa ng bayan kundi ang magtiis?
Hintay uli ng isang taon upang muling may maghain ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente. Sa pagkakataong ito, tiniyak ng Committee on Justice ng Mababang Kapulungan na lahat ay nasa lugar
At di nga kasi, sa wakas ay naaprubahan ang panibagong Articles of Impeachment, naisumite sa Senado na ayon sa mando ng Konstitusyon ay kaagad na nagtuloy sa paglilitis.
Samantala ang dating mayorya ng Senado na binubuo ng kampo ni noon ay Senate President Alan Peter Cayetano ay biglang-biglang hindi sumipot na lahat. Hindi malaman ang dahilan, subalit kung ano pa man ang mga kadahilanan, ang resulta ay pilayan nang ganap ang mga proseso ng Senado.
Lahat ng proseso: pag-apruba ng mga nakabinbin na panukalang batas, pagkumpirma sa mga bagong hirang na heneral, at kung anu-ano pa.
Mula Hunyo 1 hanggang 2, ni anino ng kampo ni Cayetano ay di nagpakita ni ang magpasabi man lang kung bakit wala sila.
Sa ganang kolum na ito, ang totoong mapipigilan kung magpapatuloy ang kawalan ng sesyon ng Senado ay ang nalalapit na impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte na nakaiskedyul nang nagsimula sa Hulyo 6, 2026.
Kung magpapatuloy ang kaguluhan sa Senado, tiyak na muling mapipigilan ang matagal nang impeachment ni Sara.
Dito naaalarma ang kolum na ito.
Mulat sa puno’t dulo ng pagkaunsiyami ng impeachment na iyun noong nakaraang taon, kitang-kita kung papaanong ang dalawa sa tatlong haligi ng Republika ng Pilipinas – ang Lehislatura at ang Hudikatura – ay kayang-kayang bastarduhin upang isulong ang interes ng isang taong makapangyarihan.
Noon pa ay malinaw na sa kolum na ito na ang kaguluhan sa Senado ay nakaangkla sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara.
Sa ganang Sara, hanggang kakayanin, huwag matuloy iyon.
Ang nangyari nga lang, sa ikatlong araw ng hindi pagsipot ng mayorya ng kampo ni Cayetano, ang 12 senador na pinamumunuan ni Senador Sherwin Gatchalian ay nagdeklara ng korum, ipinahayag na bakante ang puwesto ng Senate President at mga pamunuan ng mga Senate Committees, at inihalal si Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President Protempore at hinirang na Acting Presiding Officer.
At sa gayon ay nabigo ang anumang planong wasakin ang Senado.
Ano na ang nangyari sa paksyon ni Cayetano?
Biglang-bigla, lumitaw si Chiz Escudero, nagpahayag ng pakikipagtulungan sa kampo ni Gatchalian. Hayaan natin siya sa ganyang paninindigan.
Sumunod na sumanib sa puwersa ni Gatchalian ay SI Senador Joel Villanueva –na kumumpleto na sa hinihingi ng Konstitusyon na 13 senador upang maghalal ng Senate President.
At nang tumawag ng Special Session si Presidente Ferdinand Marcos Jr. noong Hunyo 17, 2026, si Senador Sherwin Gatchalian ay pormal nang nahalal na Senate President.
Sa wakas, lumilitaw na ganap nang nalutas ang sigalot sa Senado.
Sa pagpasok ng Hulyo 2026, handa na ito upang harapin ang pagbubukas ng impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.
Dito na unti-unting nabunyag na naman kung ano talaga ang nagtulak kay Escudero upang “iwanan” ang pangkat ni Cayetano at sumanib sa puwersa ni Gatchalian.
Maaga pa bago mag-umpisa ang impeachment trial ni Sara, may intindihan na ang mga senador na hindi kailangang Senate President ang maging Presiding Senator Judge ng paglilitis.
At unang business sa pagsisimula ng trial noong Hulyo 6, 2026 ay ang paghalal ng Presiding Judge – na sino pa kundi si Chiz Escudero!
Na naman.
Kitang-kita sa naunsiyaming impeachment trial noong 2025 ang malinaw na pagpanig ni Escudero kay Sara.
Unang-una, ang motion ni Bato de la Rosa na tanggihan ang Articles of Impeachment ay wala sa lugar. Hindi trabaho ng Senator Judges na mag-motion sa paglilitis. Trabaho iyon ng prosekusyon. Trabaho lang ng Senator Judges ang making at saka maghusga.
Subalit, sa halip na punahin ang kamaliang ito, inaprubahan pa ni Escudero, sampo ng pag-amyenda rito ni Senador Cayetano na ibalik ang Articles of Impeachment sa Mababang Kapulungan upang pasertipikan kung ito ay hindi lumalabag sa one-year bar rule.
Hindi man lang ba naisip ng sambayanan na sa gawing iyun ni Escudero ay niluluto na niya ang paglilitis upang iayon sa nagaganap nang malawakang pagbastardo sa hustisya ng Pilipinas?
Sino ang nakapuna na sa mga sandaling iyon ay nakapaghain na si Bise Presidente Sara ng petisyon sa Korte Suprema na humihinging ideklara ang Articles of Impeachment laban sa kanya na UNCONSTITUTIONAL DAHIL SA PAGLABAG SA ONE-YEAR BAR RULE?
Ano, nagkakaalaman na si Escudero at ang Korte Suprema?
Di ba totoong nakakagilalas na kung ano ang ibig niyang pasertipikahan sa Mababang Kapulungan ay siya namang ginagawa na pala ng Korte Suprema sa mga sandaling iyon?
Kumbaga sa isang orkestra, lahat ay kumikilos ayon sa kumpas ng iisang konduktor.
At sino ang konduktor na iyun kundi si Sara!
Kasama rin sa orkestra ang Korte Suprema – na sa 15 miyembro, 13 ay pawang appointee ng Tatay ni Sara na si dating Presidente Rodrigo Roa Duterte?
At ito nga, nandidito na naman tayo.
Natuloy na nga sa wakas ang Impeachment Trial ni Sara.
Pero si Escudero pa rin ang Presiding Senator Judge.
Kaya kataka-taka pa ba na ngayon pa lang sa pagsisimula ng paglilitis ay halos ipagsigawan na niya na ang hinihinging bilang ng mga senador na maaaring mag-convict kay Sara ay 16?
Sapagkat mahirap maipon ang ganung bilang, ngayon pa lang ay halos ipagsigawan na ni Escudero na si Sara ay abswelto.
Pero ito naman ang hamon ng kolum na ito kay Escudero. Ituro mo kung saan sa Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas matatagpuan ang bilang na 16 na sinasabi mo.
Kung maituturo mo, ultimong bigwas ko na ito.

