27.7 C
Manila
Biyernes, Hulyo 17, 2026

PBBM sa mga business leader sa Singapore: Pilipinas nananatiling matatag at bukas sa mas maraming pamumuhunan

- Advertisement -
- Advertisement -

IGINIIT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nananatiling matatag ang ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng mga pandaigdigang hamon sa kalakalan at heopolitika (geopolitics) sa kanyang pakikipagpulong sa mga regional business leaders sa isang roundtable na pinangunahan ng Milken Institute sa Embahada ng Pilipinas sa Singapore nitong Huwebes.

Sa kanyang talumpati, ipinagmalaki ng Pangulo ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa, na suportado ng mahigit 52 milyong manggagawa at isa sa pinakamalalaking consumer market sa Asean.

Binigyang-diin din niya ang “Build Better More” infrastructure program na may halagang $170 bilyon at binubuo ng mahigit 200 proyekto, kabilang ang Luzon Economic Corridor.

Ayon sa Pangulo, magsisilbi itong pundasyon sa pagpapalawak ng advanced manufacturing, electronics, at critical mineral processing sa bansa.

Ipinakita rin ng Pangulo ang mga repormang isinulong ng pamahalaan upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan. Kabilang dito ang pagluwag sa limitasyon ng foreign ownership sa public services at retail trade, pagpapahaba ng land lease hanggang 99 taon, at pagpayag sa 100 porsiyentong dayuhang pagmamay-ari sa renewable energy projects.


Layunin ng mga repormang ito na mapataas ang bahagi ng renewable energy sa power mix ng bansa sa 35 porsiyento pagsapit ng 2030 at 50 porsiyento pagsapit ng 2040.

Sinabi rin ng Pangulo na sa ilalim ng bagong investment incentive system, maaaring makatanggap ang mga kwalipikadong negosyo ng hanggang 40 taon ng tax at non-tax incentives.

Sa usapin ng kalakalan, muling tiniyak ni Pangulong Marcos ang layunin ng administrasyon na makapagtapos at makalagda ng hindi bababa sa limang bagong Free Trade Agreements (FTA) upang mapalawak ang mga oportunidad sa kalakalan at pamumuhunan ng Pilipinas.

Ang estratehiyang ito ay nakabatay sa mga umiiral na kasunduan sa kalakalan ng Pilipinas sa ilalim ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), PH-EFTA, Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA), at Philippines-Korea Free Trade Agreement (PH-Korea FTA), kasabay ng nagpapatuloy na negosasyon para sa mga kasunduan sa European Union (EU) at Canada.

- Advertisement -

Ang roundtable discussion ay inorganisa ng Department of Foreign Affairs sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Singapore, katuwang ang Department of Trade and Industry, bilang bahagi ng Working Visit ng Pangulo sa Singapore.

Sa pagtatapos ng programa, nagpasalamat si Pangulong Marcos sa Milken Institute at sa mga business leader sa kanilang patuloy na tiwala at interes na mamuhunan sa Pilipinas.| PND

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -