28.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

POPCOM, pinuri ang Senado sa pagpasa ng batas kontra “statutory rape” na ikalalawig ng pagpapatupad ng EO 141

- Advertisement -
- Advertisement -

Pinapurihan ng Komisyon sa Populasyon at Pagpapaunlad (POPCOM) ang Senado ng Pilipinas sa pagpasa nito ng Senate Bill (S.B.) 2332, na nagpataas ng edad ng “sexual consent” mula 12 sa 16.

Ayon sa POPCOM, ang naturang “bill” ay sumusuporta sa pagpapalawig at pagpapatupad ng kapapasa pa lamang na Executive Order (E.O.) 141, na nagtatakda sa mga ahensiya ng gobyerno na tugunan ang pagdami ng bilang ng mga maagang pagbubuntis ng kabataan sa buong bansa, na ngayon ay itinuturing na napakahalagang pambansang prayoridad o “urgent national priority.”

Naniniwala si Ikalawang Kalihim ng Populasyon at Pagpapaunlad (Undersecretary for Population and Development, o POPDEV) Juan Antonio Perez III, MD, MPH na ang S.B. 2332 ay karugtong ng E.O. 141, dahil ito ay may tiyak at positibong ambag sa pagpapababa ng bilang ng “teenage pregnancies”—lalo na sa hanay ng mga edad 16 at mas bata pa, o mga menor de edad na itinuturing na “very young adolescents.”

“Mabisang hahadlangan ng Senate Bill 2332 ang pang-aabuso sa mga dalagita na maaaring dinadaan sa lakas, o maging biktima ng “power play” ng mga nakatatandang kalalakihan,” sabi ng executive director ng POPCOM. “Mas papa-igtingin din nito ang pagpapatupad ng E.O. 141, na naglalayong ipagtanggol ang mga napakabatang Pilipina sa pagkakalugmok sa kahirapan. Ang naturang kalagayan ay napakahirap malusutan, at mangangailangan ito ng panlipunang pagkupkop o “social protection” ng gobyerno.

Sa kasalukuyan, isa ang Pilipinas sa may mga pinakamababang edad—sa gulang na 12—na pumapayag sa pakikipagtalik o “sexual consent” sa rehiyon ng ASEAN at sa buong mundo. Inihayag ni Perez na noong 2019, mayroong 10,422 na mga nanganak sa naturang edad, at maaaring ituring na sanhi ng “statutory rape.” Ang pagpasa ng bill ay maaaring magtanggol sa kaparehong bilang ng mga dalagita sa kinakaharap, na nalalapit o maaaring mahulog sa kaparehong kalagayan.

Ipinaliwanag din niya na, bagamat ang Senate Bill ay mapag-parusa sa unang tingin, kinikilala din ng POPCOM ang tinaguriang “Romeo and Juliet/sweetheart” o “close-in-age exemption clause” nito, na magtatanggol sa mga matapat na nagsasama; o sa mga dalagang may kinakasamang lalaki na mas matanda sa kanya ng hindi hihigit sa tatlong taon, dahil hindi hahadlang ang bill sa kanilang relasyon.

Ayon sa mga mambabatas, ang pakikipag-ugnayang sekswal ng mga mas bata pa sa 13 taong gulang ay itinuturing na kriminal na gawain, ano pa man ang mga pagkakataon. Tinutukoy din ng bill ang panggagahasa na isang pagkakasala laban sa mismong indibidwal, at hindi paglabag laban sa kalinisang-puri (o “chastity”), na nagpapataas ng tsansa sa pag-uusig.

Inihayag din ng hepe ng POPCOM na ang E.O. 141 ay akma sa pagpapasa ng S.B. 2332: “Pareho nilang ipinapakita ang kabuuan ng gobyerno at ‘multisectoral’ na hakbang ng bansa sa mas pagpapalakas ng proteksyon sa mga kabataang Pilipino, lalo na sa 6 milyon na nasa pagitan ng mga edad 10 at 16, na malapit sa pang-aabuso at pagsasamantalang sekswal, na siya namang makaka-apekto sa kanilang kinabukasan bilang produktibong mamamayan ng bansa.

Kinikilala din ng POPCOM ang pantay na proteksyon sa parehong kasarian, o “gender-neutral protection” nito, para sa mga binatilyo na biktima ng pang-aabusong sekswal, ngunit nabigyan ng mas magaang na parusa ang mga salarin.
Muling pag-uusapan ng Senado at ng Mababang Kapulungan ang pinagkaisang bersyon ng bill, na siya namang ipapadala sa Malakanyang upang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

###

Tungkol sa POPCOM: Ang Komisyon sa Populasyon at Pagpapaunlad (Commission on Population and Development, o POPCOM) ay ang pangunahing ahensya ng bansa sa pangangasiwa ng populasyon para sa planadong pamilyang Pilipino at pamayanan. Layon ng POPCOM na mabigyan sila ng kapangyarihan, kasama ang mga indibidwal, na makamit ang mga naisin nila pagdating sa pertilidad (fertility), maiwasan ang maagang pagbubuntis sa hanay ng mga kabataan, at maalam na isaalang-alang ang mga kadahilanang pang-populasyon sa mga gawaing pangkaunlaran.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -