29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Service contracting, libreng sakay, inilunsad ng DOTr, LTFRB sa Camiguin

- Advertisement -
- Advertisement -

Pinangunahan ngayong araw, 22 Oktubre 2021 ni Transportation Secretary Art Tugade ang paglunsad ng Service Contracting Program Phase 2 at Libreng Sakay para sa mga healthcare workers at authorized persons outside residence (APORs) sa probinsya ng Camiguin matapos pumirma ng kasunduan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Camiguin Transport Cooperative (CAMTRANSCO) para sa pagpapatupad ng programa.

Ayon kay Secretary Tugade, layunin ng Service Contracting Program na mabigyan ang mga tsuper ng sapat na kita sa pamamagitan ng insentibo kada kilometrong biyahe at maiwasan ang agawan sa pasahero dahil sa tinatawag na “boundary system.”

“Tatakbo at tatakbo—mamamasada kayo on a per kilometer run. Babayaran at babayaran kayo, may sakay man o wala para nang sa ganun hindi na kayo nag-uunahan, hindi na kayo mapeperwisyo, naaburido sa tinatawag na boundary system,” ani Secretary Tugade.

Sinabi ni Secretary Tugade na sa ilalim ng kasunduan sa pagitan ng LTFRB at CAMTRANSCO, 35 na public utility jeepneys (PUJs) na tatahak sa rutang Mambajao to Mambajao (circumferential loop) ang magbibigay ng libreng sakay sa mga healthcare workers, essential workers, at mga Authorized Person Outside Residence (APOR).

“Gagamitin ang inyong mga modernized na sasakyan para nang sa ganun ang ating mga kababayan, ang ating mahal sa buhay dito sa Camiguin ay sasakay na lamang sa inyong jeepney. Hindi magbabayad ng pamasahe kung kayo ay essential worker, kung kayo ay health frontliner, kung kayo ay authorized person outside of residence,” paliwanag pa ni Secretary Tugade.

Ayon pa sa Kalihim, ang magdedetermina ng rutang babaybayin ng Service Contracting Program at Libreng Sakay ay ang lokal na pamahalaan ng Camiguin.

Hinikayat naman ni Secretary Tugade ang mga miyembro ng CAMTRANSCO na magpa-rehistro at makilahok sa ‘Tsuper Iskolar’ Program ng LTFRB kasama ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kung saan papalawakin ng programa ang kaalaman ng mga tsuper at ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng skills training sa ilalim ng 30 hanggang 35 na araw.

“Basta tsuper ka at gusto mong mag-aral ng troubleshoot, pagmamaneho—kung gusto nyo matuto ng ibang skills pwede. Mag-enroll at makipag ugnayan kayo sa LTO at LTFRB kasama yung TESDA, mag -uusap kayo [at] bibigyan ka ng scholarship,” ani Secretary Tugade.

Paliwanag pa niya, maaaring mag-enroll ang mga miyembro ng pamilya ng mga kalahok ng tsuper at operator upang matuto ng pagtatayo ng negosyo gaya ng food business at personal care services. Habang sumasailalim sa training, ang mga iskolar ay bibigyan ng P300 hanggang P350 na arawang allowance.

Samantala, pinasalamatan naman ni Camiguin Governor Jurdin Jesus Romualdo si Secretary Tugade at ang buong Kagawaran ng Transportasyon dahil sa mga inisyatibong nakatutulong sa modernisasyon at pagsasa-ayos ng transportasyon sa lalawigan.

“Kami po ay nagpapasalamat at natutuwa na tinulungan ninyo ang probinsya ng Camiguin. On behalf of the province at ng public transport coop, maraming salamat, Secretary, na dinalaw n’yo kami. Natutuwa ako at lahat ng opisyales sa Camiguin, ang buong DOTr family ay nandito po sa probinsya ng Camiguin. Hindi po namin makakalimutan ito, ‘yung pagtulong ninyo sa amin sa hirap at ginhawa,” ani Governor Romualdo.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -