MAS maayos na pamumuhay ang nakikita na maisasakatuparan sa sektor ng transportasyon kung ang mamununo sa bayan ay isang mapagmalasakit at mapagkaisang lider sa katauhan ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Iginiit ni Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP) National President Orlando Marquez na ang isang pinuno na tulad ni Marcos na nakakaunawa sa kalagayan ng mga mahihirap tulad ng mga tsuper at operator ang kailangan ng sambayanan para manumbalik ang dating kaunlaran ng bayan.
“Ang nagustuhan namin kay Bongbong Marcos, siya ay may puso at ‘di marunong bumato ng putik. Kaya lahat ay hinihimok namin dahil priority niya ‘yung aming sariling pondo doon sa Public Transport Consumers Tax Bill. Malaking bagay ito dahil dito mangagaling ang pondo namin para makapag-modernize nang tuloy-tuloy,” pahayag ni Marquez.
“Gusto ni Senator Marcos, ang mga driver bilang serbisyo publiko sa taumbayan ng buong Pilipinas ay magkaroon ng marangal na tirahan. Iaayos din niya ang livelihood program sa mga asawa ng tsuper para magtulungan para umangat ang kalidad ng buhay ng ating mga driver,” aniya.
Tahasang ibinida ni Marquez na ang grupo ng transportasyon ay isa sa pinakamalaking pinagkukunan ng buwis ng pamahalaan at ang pagbibigay kalinga sa kanilang sektor, higit sa panahon ng COVID-19 pandemic, ay isang malaking tulong at tapik sa balikat ng mga tsuper.
Sa kanyang pakikipag-usap sa sektor ng transportasyon, iginiit ng Presidential aspirant na ipagpapatuloy ang program sa pagpapaunlad ng mga jeepneys na hindi maapektuhan at ibabaon sa limot ang tradisyunal na kaanyuan.
Iginiit din ni Marcos na bibigyan ng boses ang grupo ng transportasyon sa usapin hinggil sa mga isusulong na panuntunan upang maiparating nila ang kanilang mga kahilingan at hindi mayurakan ang kanilang kabuhayan sa mga hindi makatwirang ordinansa at batas na isinusulong ng lokal at nasyunal na pamahalaan.
“Ang gusto niya at sinabi niya sa amin ay hindi pwedeng mawala ang jeep ng Pilipinas. Kaya lahat ng miyembro ng LTOP sa buong Pilipinas, deklarado na kami na Bongbong Marcos kami dahil ang gusto namin ay pag-unlad,” sambit ni Marquez.
Ipinahayag naman ni Roberto ‘Ka Obet’ Martin, Pangkalahatang Sanggunian Manila and Suburbs Drivers Association (Pasang Masda) National President, na tanging si Marcos ang may matibay na programa para sa grupo ng transportasyon kung kaya’t walang duda na dadalhin at susuportahan nila ang kandidatura nito.
“Kaya sinang-ayunan namin ang kanyang magagandang layunin at kami ay umaasa na mapapatupad ang mga napagusapan kapag siya ang nanalo sa 2022. Kami ay natutuwa at nagpapasalamat sa magandang layunin hindi lang sa transportasyon kundi sa ating bansang Pilipinas,” pahayag ni Martin.
Tiwala rin si Martin na sapat ang kaalaman ng mga botante sa mga tunay na pangyayari at kaganapan sa bansa kung kaya’t hindi madudungisan ng mga kasinungalingang ibinabato sa pamilya ni Marcos ang PFP standard-bearer.
“It has been a long issue at ngayon ay marurunong na ang mga botante. Napag-aralan na nila ‘yan at nalaman na nila na si BBM ay ‘di sangkot sa kung anumang akusasyon na binabato ng kanyang mga kalaban,” ayon kay Martin.
Kasama at nakiisa rin sa mga isyu na natalakay sa pulong ang mga lider at kinatawan ng iba pang grupo sa transportasyon tulad ng LTOP, Pasang Masda, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP); Philippine Confederation of Drivers and Operators – Alliance of Concerned Transport Organization (PCDO-ACTO); Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP); Federation of Ayala Center Transport Terminals Inc.; at Tiger in Asia.
Iisa ang boses ng mga tsuper at operator na sa 2022 national election ang kandidatura ni Marcos ang karapat-dapat na suportahan at handa ang lahat na ikampanya ang Presidential aspirant hindi lamang sa kanilang mga pamilya bagkus sa buong sambayanan.