32.2 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

BBM: Siguruhing ligtas ang mga estudyante, guro sa F2F

- Advertisement -
- Advertisement -

NANINIWALA si Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na nararapat nang simulan ang pagbubukas ng mga eskwelahan, subalit hiniling niya sa pamahalaan na siguruhing maayos ang paglatag ng programa gayun din ang pagpapatupad ng mahigpit na panuntunan sa ‘health and safety’ protocol para sa mga piling estudyante, guro at personnel na makikilahok sa gagawing ‘pilot test’ para sa face-to-face (F2F) classes.

Iginiit ng pambato sa Panguluhan ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), na nararapat na mabigyan ng sapat na pagpapahalaga ang sektor ng edukasyon na hindi malalagay sa panganib ang kalusugan ng mga estudyante, guro at iba pang indibidwal na kailangan sa pagbabalik eskwelahan sa mga tukoy na lugar sa bansa.

“Kailangang tiyakin ang kaligtasan ng mga bata at ng mga guro. Pagtibayin ang coordination at cooperation ng lokal na pamahalaan, Department of Health, at Department of Education,  para sa maayos na implementation ng programa,” pahayag ni Marcos.

Bukod sa pagpapatupad ng ‘health and safety’ protocol batay sa pamantayan ng Inter-Agency Task Force (IATF), ayon kay Marcos makabubuti at para sa katiwasayan ng kaisipan at kalooban ng mga magulang na yaong mga bakunadong mga guro ang payagan ng Department of Education (DepEd) na makapagturo. Hiniling din niya sa Kagawaran na palakasin ang programa para mahikayat ang mga guro at mga empleyado ng eskwelahan sa kahalagahan ng pagbabakuna para malabanan ang pagkalat ng COVID-19 virus.

Sa kasalukuyan, nagsisimula na rin ang Department of Health (DOH) na bakunahan ang mga kabataan na may edad 12 hanggang 17.

Batay sa inilabas na memorandum ng DepEd, lahat ng pampublikong eskwelahan sa bansa ay kinakailangang sumailalim sa ‘self-assessment’ sa ilalim ng School Safety Assessment Tool (SSAT) bilang paghahanda para sa malawakang pagbubukas ng mga eskwelahan tungo sa pagbabalik sa normal na sitwasyon.

Nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng ‘pilot testing’ para sa dalawang buwang face-to-face classes simula sa Nobyembre 15 sa piling 120 eskwelahan na pampubliko at pribado.

“In other countries, ang experiences nila was that there were risks involved in having non-vaccinated teachers and staff when they went back to face-to-face classes. Don’t get me wrong, I’m happy that at least we are trying to start face-to-face classes. It is actually good news because that is a very good sign that, somehow, we are slowly going back to normalcy,” sambit ni Marcos.

Pinaalalahanan din ni Marcos ang mga magulang at guardian ng mga estudyante na hindi sapilitan ang paglahok sa naturang programa at siguruhing naunawaan at naipaliwanag ang magiging kaganapan bago payagang makibahagi ang mga anak.

“Maging tayong mga magulang ay dapat nakatutok din sa kaligtasan ng ating mga anak. Pero ako naman ay naniniwala na pinag-aralang mabuti ng pamahalaan ang hakbang na ito at maaari nga ay kailangan na talagang magkaroon ng face-to-face classes para sa mental health ng kabataan,” ayon kay Marcos.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -