29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Ateneo law expert: Walang basehan ang petisyon para kanselahin ang COC ni Bongbong

- Advertisement -
- Advertisement -

IGINIIT ni Atty. Alberto Agra, dating justice secretary at propesor ng Ateneo Law School na walang basehan at malabong umusad ang inihaing petisyon para kanselahin ang Certificate of Candidacy (CoC) ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa panayam sa DZRH, sinabi ni Agra na malinaw sa nakasaad sa batas o sa Omnibus Election Code na kwalipikado at walang pagkukulang si Marcos sa kanyang pagsusumite ng CoC.

“Nakalagay dun sa Omnibus Election Code natin na kailangan hindi convicted. Ang nakalagay sa batas kailangan sentenced, may final judgement of imprisonment. Ang nangyari nung binasa ko ang kaso, wala si presidentiable BBM, hindi siya sentenced to imprisonment. Guilty siya to pay a fine,” paliwanag ni Agra.

Nilinaw ni Agra na hindi siya abogado ni Marcos o taga-suporta nito, pero base sa kanyang pag-aaral at pag-analisa sa kaso, lumalabas na hindi tax-evasion ang kaso ni Marcos kundi simpleng hindi lamang pagpa-file ng income tax return (ITR).

Nakasaad umano sa batas na para makansela ang CoC ng sino mang kandidato, kailangang mapatunyan itong nagkasala at parusahan ng mahigit 18 buwan na pagkakulong at mapatunayan ito sa krimen na may kaugnayan sa “moral turpitude.”

“Moral turpitude, kung medyo halang ka, bastos, immoral, talagang gusto mong mandaya o manggulang.  Ang tanong ngayong yun bang hindi pag-file ng income tax return yun ba ay crime involving moral turpitude? Syempre hindi,” dagdag ng Ateneo professor.

Ipinunto rin ni Agra wala pang final judgement sa kaso ni Marcos dahil hindi pa ito nakaka-abot sa Korte Suprema.

“Guilty siya (sa hindi pagpa-file ng ITR) pero multa lang, walang imprisonment,” dagdag pa ni Agra kasabay ng paliwanag na malayong maging basehan ito para ma-diskwalipika ang isang kandidato.

Iginiit pa niya na meron na ring desisyon ang Korte Suprema na mismong si dating Justice Antonio Carpio pa ang nagponente na naglilinaw ukol sa isyu.

“In the same case na ponente si Justice Antonio Carpio, sinabi ng Supreme Court na ang crime involving moral turpitude kung fraudulent filing of the tax return. Hindi moral turpitude kung non-filing of the income tax return. Magiging moral turpitude ang non-filing kung may halong fraud.”

Sa kaso umano ni Marcos: “Hindi siya moral turpitude kasi hindi naman napatunayan na may fraud,” Ani Agra.

Nauna nang sinabi ng kampo ni Marcos na basura at bahagi lamang ng maruming pulitika ng kalaban ang panibagong inihain na petisyon laban sa kanila.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -