Ngayong nakikita na ang unti-unting pag-ahon ng sektor ng turismo, para kay Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ito na ang pagkakataon para sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa tourism industry na maka-recover matapos na lubhang maapektuhan dahil sa pandemiya.
Ayon kay Marcos, halos lahat ng sektor sa bansa ay naghirap dahil sa krisis na dulot ng pandemiya kaya ngayong ang mga tourist sites ay nagsisimula nang tumanggap ng mga fully vaccinated na turista, nangangahulugan aniya ito na ang bansa ay patungo na sa tuluyang pag-ahon.
“This is good news for us and for our economy. I strongly believe in tourism as an instrument for economic growth and now that Ilocos Norte, Puerto Galera, Bohol, and other famous tourist spots are being lenient in their travel requirements, soon we will be able to see the boost in the local economy that later on will be a tool for the recovery of our entire nation,” sabi niya.
Sa Ilocos Norte, ang hometown ng mga Marcos, tumatanggap na sila ng mga bisita galing sa iba’t-ibang parte ng bansa. Isa sa mga nagawa ni Marcos noong siya ay governor ng Ilocos Norte ay ang gawing major tourist destination ang probinsiya hindi lang para sa mga Pilipino kundi pati na rin sa mga dayuhan.
Maliban sa makakabalik na sa trabaho ang ilan sa mga kababayan, sinabi ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer, na ang pagluluwag sa paglalakbay ay magreresulta din sa mas maraming trabaho. Matatandanang sinabi ni Marcos na trabaho ang kailangan ng mga tao ngayon dahil milyon-milyon pa rin ang walang hanapbuhay sa ngayon.
Datos mula sa Bureau of Immigration (BI) ay nagpapakita na meron lamang 893,886 travelers ang dumating sa bansa mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon. Ang mga numero na ito ay mas mababa kumpara sa parehong mga buwan noong nakaraang taon. Simula Enero, nasa 90,000 hanggang 100,000 lamang ang dumarating sa bansa dahil sa daily cap ng passenger arrivals pati na rin dahil sa mga travel restrictions.
Sabi ni Marcos, ngayong may kaluwagan na sa pagpunta sa mga tourist spots, maasahan ang pagtaas ng bilang ng mga turista dagdag na rin ang pagpayag ng gobyerno na taasan ang daily cap sa mga pasaherong dumarating mula 1,500 to 2,000.
Naniniwala si Marcos na magdudulot ng long-term benefits sa bansa kung mas mataas ang public spending at strategic investments para sa pagpapaunlad ng turismo. Sa mas ligtas at mas magandang sektor ng turismo sa bansa, mas madami aniya ang trabaho at tataas din ang kita ng lokal na pamahalaan.
Dahil na rin sa magagandang balita na gaya nito, lalong hinihikayat ni Marcos ang publiko na patuloy na maging maalam at magpabakuna laban sa COVID-19.
Pinaalalahanan niya din ang mga LGUs na manatiling mapagmatiyag at siguraduhin na ligtas at sumusunod sa health protocols ang bawat turista na dadayo sa kanilang lugar.
“Local government officials must make sure that all tourists entering their area of responsibility follow local health protocols to prevent the possibility of a lockdown that will ruin the gains that they have already achieved,” sabi ni Marcos.