28.5 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Bagong bukas na Bacoor LTO District Office, gagawing transportation hub — Tugade

- Advertisement -
- Advertisement -

Upang makapagbigay ng mas epektibong serbisyo sa mga taga-Bacoor at mga kalapit na lugar, gagawing transportation hub ang bagong bukas na LTO District Office sa Bacoor City, Cavite ayon kay Transportation Secretary Art Tugade.

Sa inagurasyon ng Bacoor LTO District Office, ipinag-utos ni Secretary Tugade ang pagsasanib sa iisang opisina ng LTO at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa nasabing siyudad.

“Today I am giving instructions to explore all things possible in converging LTO, LTFRB, and other services on this site,” pahayag ni Sec. Tugade.

“Gusto ko itong maging sentro—maging transportation hub. Nariyan ang LTO, nariyan ang LTFRB, nariyan ang mga pangangailangan. Nariyan din ang MVIS pati ang driving school, at One Licensing. Lahat nandiyan,” dagdag pa niya.

Pinasalamatan naman ni Secretary Tugade ang lokal na pamahalaan ng Bacoor sa pangunguna ni Mayor Lani Mercado-Revilla at Deputy Speaker at Cavite 2nd District Rep. Strike Revilla sa pagtutulak na magkaroon ng LTO district office sa lugar.

“Pinagtulakan nila na kailangan para sa Bacoor—na kailangang maitayo ‘yung LTO district office,” ani Secretary Tugade.

Ayon pa kay Secretary Tugade, ang pagtatayo ng LTO District Office sa Bacoor ay kabilang sa pagnanais ng Department of Transportation (DOTr) na maitaas ang antas ng serbisyo publiko.

Layon ng nasabing tanggapan na pabilisin ang transaksyon at serbisyo ng mga kliyente nito na noo’y kinakailangan pang bumiyahe sa mga opisina ng LTO sa mga kalapit na bayan katulad ng Cavite City, Imus, Dasmariñas, gayundin sa Naic na may LTO Extension Office.

Nagpa-abot naman ng pasasalamat ang mga opisyal ng Bacoor LGU kay Secretary Tugade at sa LTO sa pagsasakatuparan ng opisinang ito sa lugar.

“Ito po ay kaganapan ng marami sa ating kahilingan ng ating lungsod—a bigger and better LTO office here in Bacoor,” pahayag ni Mayor Mercado-Revilla.

“Ito na ‘ho ang pangarap natin na LTO Bacoor. Ito po ay nakikita kong blessing para sa mamamayan, sa sambayanang Pilipino,” ani Rep. Revilla.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -