WALANG patid ang ipinakitang pagmahahal ng mga taga-Muntinlupa City at Las Piñas City kay presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at kay vice presidential candidate Mayor Inday Sara Duterte nang magsagawa ito ng caravan at rally sa dalawang lungsod.
Mula sa Daang-Hari Road sa Muntinlupa City hindi bumitaw ang mga supporters ng BBM-Sara UniTeam, maaga pa lang ay inaabangan na nila ang tambalang Marcos at Duterte.
Nang umarangkada ang sinasakyan ni Marcos kasama si Sec. Mark Villar agad na bumungad sa kanila ang nagkukumpulang mga tao, dala ang kanilang tarpaulin at gawang mga karatula na may nakasulat na mga “BBM is my president, sigurado na ang panalo natin,” may nagpatutsada din na “Tao kami hindi sibuyas!”
Hindi din mapigilan ang hiyawan at sigawan ng mga supporters na nagbibigay sigla sa caravan, “BBM” at “Bongbong-Sara” ang mga salitang namayani sa kabuuan ng caravan.
Napahanga naman ang mga miyembro ng LGBTQ+ ng kinuha ng dating senador ang kulay bahagharing tela na sumisimbolo sa kanilang organisasyon at winagayway habang umaandar ang kanyang sinasakyan.
Ayon sa grupo, hinahangaan nila ang pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at marami sa kanila ay buong pusong sumusuporta sa kanyang kandidatura.
“Mr. President (Bongbong) marami sa amin na miyembro ng LGBTQ+ ang humahanga sa ‘yo at handang sumuporta sa kampanya mo!” sigaw ng grupo.
Maging ang mga staff ng Las Piñas Doctors Hospital ay lumabas din sa kanilang pasilidad, sumabay din sa hiyawan habang suot ang kanilang uniporme at ang ilan ay naka-PPE na lumapit sa sasakyan ni Marcos upang makipagkamay, ganoon din ang naging eksena sa A. Zarate General Hospital.
Pagpasok sa Naga Road, Las Piñas City mas lalong bumagal ang takbo ng caravan dahil sa kapal ng bilang ng taong humaharang at sumasalubong kay Marcos, ang apat na linya ng kalsada ay punong-puno ng supporters ng BBM-Sara UniTeam.
Ilang taga-hanga din ang nagsuot ng mga superhero costume, may grupo ng mga kalalakihan naman na may bitbit na malaking speaker at mikropono na sumasabay sa caravan habang isinisigaw ang pangalang “Marcos” at “Duterte.”
Hindi nabawasan ang kapal ng tao mula sa simula hanggang sa dulo ng caravan.
Natapos ang caravan sa The Tent, Las Piñas kung saan ginanap ang rally ng UniTeam na pagmamay-ari ng pamilyang Villar, sinabi ni Mark Villar na sobra ang suportang pinakita ng mga taga-Las Piñas na halos ay lumabas sa kanilang bahay para makita lamang si Marcos.
“Grabe kayo Las Piñas, grabe ‘yung pagmamahal niyo sa UniTeam, grabe ‘yung suportang ipinakita niyo sa ating susunod na presidente (Bongbong), halos lahat ay lumabas sa kanilang bahay para makamayan at makita ang ating president,” ayon kay Villar.
Sa kani-kanilang talumpati, nagpasalamat naman ang tambalang Marcos at Duterte sa mga Las Piñeros dahil sa mainit na pagtanggap nila sa BBM-Sara UniTeam.
“Ibang klase ang suportang sinalubong niyo sa amin, kanina habang nagka-caravan kami ramdam na ramdam ko ang pagmamahal ninyo, halos ‘di na kami makagalaw ‘yung sinasakyan namin dahil sobrang dami ng tao, kaya maraming salamat sa inyong mainit na pagsalubong,” sabi ni Marcos.
“Maraming salamat po sa inyong mainit na pagsalubong, pasalamatan din natin ang pamilyang Aguilar at Villar dahil sa pagtanggap nila sa BBM-Sara UniTeam,” sabi naman ni Duterte.
Sa kabuuan ay naging matagumpay ang nasabing programa na batay naman sa ulat ng Philippine National Police (PNP) sa Las Pinas ay tinatayang limang-daang libo (500,000) kapag pinagsama ang mga lumabas ng kani-kanilang mga tahanan at nagbigay suporta sa kahabaan ng 12 kilometro mula Muntinlupa hanggang Las Pinas, mga mismong lumahok sa caravan at nagsipagdalo sa grand rally sa The Tent ng BBM-Sara UniTeam.
Ngunit sinabi ng isang staff ni Sec. Villar na malamang na higit pa sa 500,000 ang mga tao sa caravan hanggang sa mismong grand rally. Aniya sa 12 kilometro na haba ng kalsada na punong-puno ng mga tao ang magkabilang parte, sa 20 layer na lamang ng mga tao (pero sa katotohanan ay higit pa) kada magkabilang side ay nasa 480,000 na mga tao na, at kung isasama pa ang libo-libong mga nagtungo sa The Tent ay malamang na higit pa sa 500,000 ang kabuuang bilang ng mga nagsakripisyo at nagbigay pugay at suporta sa BBM-Sara UniTeam sa dalawang siyudad.