LUNGSOD NG PASIG – Kinilala ngayong Miyerkules ang mga mag-aaral at guro na nagwagi sa ginanap na Patimpalak sa Pagsulat ng Sanaysay at Malayang Tula ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon.
Itinakda ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha” sa ikalawang taon ng nasabing paligsahan.
“Wika ang mayamang imbakan ng mga yamang kalinangan at kasangkapan sa pagdukal at pagtuklas ng karunungan para sa pagbuo ng mga napapanahong tugon sa bawat hamon,” ani Jocelyn D.R. Andaya, Direktor IV ng Bureau of Curriculum Development (BCD).
Nanguna sa patimpalak ang Rehiyon III na nag-uwi ng siyam na parangal, sumunod ang MIMAROPA na may lima, at NCR na may apat.
Nagwagi sa Pagsulat ng Sanaysay sina Glorie Paday mula Rehiyon X (unang gantimpala), Lazie Zapanta mula Rehiyon III (ikalawa), at Ynrhan Hilario mula Rehiyon I (ikatlo) para sa Baitang 4 hanggang 6.
Naiuwi rin ni Rhein Magbuhos mula MIMAROPA ang unang gantimpala para sa mga kalahok mula sa Baitang 7 hanggang 10, na sinundan ni Ian Semillano mula Rehiyon I (ikalawa) at Aera Ramos mula NCR (ikatlo). Mula naman sa mga kalahok sa Baitang 11 at 12, pinarangalan sina Ma. Angelica Amistoso at Mark Payo ng MIMAROPA (una at ikalawa) at Gideon Alarcon ng Rehiyon III (ikatlo).
Sa hanay naman ng mga guro, ginantimpalaan naman ang husay ni Shienna Mataverde mula NCR (una), Gesabeth Imperial ng MIMAROPA (ikalawa), at Ma. Liezel Garung ng Rehiyon III (ikatlo).
Samantala, sa larangan ng pagsulat ng malayang tula, nanguna si Patrick Francisco ng Rehiyon III, Alia Manigbas ng Rehiyon III (ikalawa), at Kirsten Uy ng CALABARZON (ikatlo) mula Baitang 4 hanggang 6. Sa Baitang 7 hanggang 10, kinilala sina Jilian Rafael ng Rehiyon VI (una), Ronald Clemente ng NCR (ikalawa), at Janine Mansalapus ng MIMAROPA (ikatlo).
Nagpamalas din ng galing sina Efren Lola, Jr. ng Rehiyon III (una), Keith Ayeras ng NCR (ikalawa), at Allyah Eneres ng Rehiyon VI (ikatlo) mula sa Baitang 11 at 12. Pawang mula sa Rehiyon III naman ang nagwagi sa hanay ng mga guro na sina Marilen Arellano (una), Margie Ferrer (ikalawa), at Arron Bondoc (ikatlo).
Paalala naman ni Pedro Jun Cruz Reyez, tinaguriang Amang ng Panitikang Pilipino, na: “Nasa wika ang ating kaluluwa, nasa wika ang kahulugan ng ating pagkatao. Gamitin natin ang ating sariling wika. Hanapin natin ang ating kahulugan hindi lamang sa Filipino na alam natin ngayon kung hindi sa bersyon ng Filipino na ginagamit ng marami nating kapwa sa buong kapuluan.”
Makakatanggap ng Php 10,000 at medalyang ginto ang mga nagwagi ng unang gantimpala. Samantala, Php 7,500 at pilak na medalya sa ikalawang gantimpala at Php 5,000 at tansong medalya sa ikatlo. Bibigyan rin ang lahat ng nagwagi ng sertipiko.
Nagsilbing mga hurado ng nasabing patimpalak ang mga kilalang propesor at manunulat sa Filipino na sina Dr. Luis Gatmaitan, Dr. Jovy Peregrino, Dr. Michael Francis Andrada, G. Eros Atalia, G. Eliseo Contillo, Dr. Jayson Petras, Dr. Gary Devilles, G. Patrocinio V. Villafuerte, at Bb. Beverly Siy.