25.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Ugnayan ng PCUP sa maralitang taga-Bgy. Sauyo pinangunahan ni NCR commissioner Galupo

- Advertisement -
- Advertisement -

LUNGSOD QUEZON, Kalakhang Maynila — Dinalaw ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa pamumuno ni Undersecretary Elpidio Jordan Jr. ang mga residente ng Barangay Sauyo na apektado ng Segment 8.2 infrastructure development project na mag-uugnay sa South Luzon (SLEX) at North Luzon Expressway (NLEX) bilang bahagi ng outreach program ng PCUP na may layuning mapalapit ang mga maralitang tagalungsod sa pamahalaan at mabigyan sila ng accessibility sa mga serbisyong pinagkakaloob para sa pagpapaangat ng kanilang pamumuhay.

Pinangunahan ang pagdalaw nina PCUP commissioner for the National Capital Region (NCR) Rey Galupo, NCR Field Operations Division (FOD) assistant chief Dennis Protasio at area coordinator Ed Labaco na sinalubong naman ng mga opisyal at miyembro ng Informal Settlers Association (ISA) at Nagkaisang Mamamayan ng Barangay Sauyo (NaMaBaSa) sa pangunguna nina Ginang Mirasol Abacco, Ginoong Sigfredo Novilla at iba pa.

Nagdesisyon si Galupo na dalawin ang maliit na komunidad ng maralita makaraang mapagalaman ang kanilang kalagayan at kahilingan na madagdagan ang tulong na naibigay sa kanila para sa kanilang mga proyektong pangkabuhayan at gayun din sa planong magsagawa ng urban farming sa kanilang lugar.

Nangako ang opisyal ng PCUP sa nasabing mga residente na gagawin niya ang lahat upang mapaunlakan ang kanilang kahilingan para maipagpatuloy ang kanilang inisyatibo na magkaroon ng sariling hanapbuhay o pagkakakitaan at mapaangat na rin ang kanilang pamumuhay sa tulong ng gobyerno.

“Nakita ko ang halaga ng aktuwal na pakikipag-ugnayan sa ating mga maralitang tagalungsod dahil sa ganitong paraan mo lang malalaman ang tunay nilang mga hinaing at pangangailangan na kailangang matugunan ng ating pamahalaan,” kanyang pinunto.

“Wala naman silang (urban poor) aalalahanin dahil ang tulong na ibibigay namin sa kanila nagmumula sa puso at kasama sa aming mandato bilang ahensya para sa mahihirap nating kababayan at bahagi din ng adhikain ng ating mahal na Pangulong (Ferdinand) ‘Bongbong’ Marcos (Jr.) na mapaangat ang pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino,” dagdag niya.

Ikinatuwa naman nina Abacco at Novilla ang pagdalaw ni Galupo, na kanilang sinabi ay unang pagkakataon na dinalaw sila ng isang mataas na opisyal ng gobyerno.

“Lubos po ang aming pasasalamat na sa kapanahunan po ng ating mahal na Pangulong Marcos ay mayroong mga opisyal ng pamahalaan na may puso at handang makinig sa boses naming mga maralita,” pahayag nina Abacco at Novilla.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -