Naghain si Senador Win Gatchalian ng isang panukalang batas na layong nagtatakda ng akma at komprehensibong regulasyon sa larangan ng medisina, kabilang ang mga napapanahong pamantayan sa medical education, medical internship, at post-graduate medical education at pagsasanay.
Ipinapanukala ng Senate Bill No. 953 o ng Physicians Act ang paglikha ng Medical Education Council (MEC) sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED). Kabilang sa mga magiging tungkulin ng MEC ang pagtatakda ng minimum required curriculum para sa Doctor of Medicine, kabilang ang internship.
Magiging tungkulin din ng MEC ang pagkilala at pagpapahintulot sa pagbubukas ng mga bagong medical schools na susunod sa mga itatakdang minimum requirements. Ang MEC rin ang magtatakda ng bilang at mga standard qualifications ng administrative at teaching personnel, pati na rin sa mga minimum requirements para makapasok sa isang kinikilalang college of medicine.
“Bilang isang sangay ng health science, kinakailangang sumabay ng medisina sa mga pagbabago sa practice, edukasyon, teknolohiya, at mga sistema. Kaya naman ang mga batas at pamantayan sa propesyon ng medisina ay dapat tugma sa pagbabago sa edukasyon, ekonomiya, lipunan, teknolohiya, mga inobasyon, at mga global advancements,” ani Gatchalian.
Iminumungkahi din ni Gatchalian ang paglikha sa Professional Regulatory Board of Medicine (PRBM) sa ilalim ng Professional Regulation Commission (PRC). Magiging tanggapan ng PRBM ang regulasyon, superbisyon, at pagmonitor sa practice ng medisina sa Pilipinas kabilang ang telemedicine. Ang PRBM din ang magsasagawa ng Physician Licensure Examination (PLE) at siya ring magtatakda ng mga kwalipikasyon para sa paglahok sa PLE.
Nililikha rin ng panukalang batas ang Post-Graduate Medical Education Council (PGMEC) sa ilalim ng PRBM. Titiyakin ng PGMEC ang kalidad ng post-graduate medical education at training para sa lahat ng mga disiplina, mga specialty at sub-specialties ng mga medical residents.
Mungkahi rin ni Gatchalian na isailalim sa Integrated National Professional Organization of Physicians (INPOP) ang pagkakaroon ng kapangyarihang imbestigahan ang mga paglabag sa batas, Code of Ethics, rules and regulations, administrative policies, orders, at issuances.
Tutugunan din ng panukalang batas ni Gatchalian ang mga polisiyang hindi tinatalakay sa kasalukuyang batas sa larangan ng medisina. Kabilang dito ang pagbubukas ng propesyon sa mga dayuhan, pagtatakda ng mga kaparusahan sa mga iligal na practice ng medisina, at pagbibigay depinisyon at kaparusahan sa mga medical malpractice.