30.1 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

MoA ng PCUP at TESDA ipagpapatuloy para sa urban poor development

- Advertisement -
- Advertisement -

LUNGSOD TAGUIG, Kalakhang Maynila — Bago magtapos ang taon, napagkasunduan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na lumagda sa isa pang memorandum of agreement (MoA upang ipagpatuloy ang dating kasunduan ng dalawang ahensya na magwawakas sa Disyembre ng kasalukuyang taon.

Sa courtesy call sa TESDA, hiniling ni PCUP chairperson and chief-executive-officer Undersecretary Elpidio Jordan Jr. na ipagpatuloy ang kanilang tambalan para sa kapakanan ng ating mahihirap na kababayan, partikular na ang mga maralitang tagalungsod, upang makamit ng mga ito ang inaalok na mga serbisyo ng pangunahing awtoridad ng technical vocational education at training.

Sa magtatapos na MoA sa Disyembre, nabigyan ang PCUP ng awtorisasyon para mag-endorso sa TESDA ng mga iskolar mula sa maralitang komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa upang makakuha ng skills training at serbisyo na kanilang magagamit at makakatulong sa kanilang pag-unlad, lalo noong panahon ng pandemya ng coronavirus.

“Nais namin sa PCUP na ang ating mga maralitang pamilya ay mabibigyan ng mas malaking oportunidad para magkaroon sila ng access sa libreng edukasyon at mga scholarship na magbibigay sa kanila ng kaalaman at kahusayan para magkaroon sila ng magandang hanapbuhay, lalo na sa gitna ng mga kritikal na problemang kinakaharap ng ating bansa, kabilang na ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pagbaba ng halaga ng piso,” pinunto ni Usec. Jordan habang sang-ayon naman si TESDA director general Danilo Cruz para sa pagpapalawig ng MoA sa pagitan ng kanilang mga ahensya.

“Nagpapasalamat ako sa TESDA sa kolaborasyon at ang bago naming tambalan dahil magdadala ito ng panibagong pag-asa sa ating mga kababayan na nais makapag-aral subalit walang abilidad. Sa ngayon, malaki ang aking kumpiyansa na ang aming nasimulan ay magpapatuloy para mabago ang pamumuhay ng mahihirap,” dagdag ng Usec.

Sa ilalim ng bagong MoA, ang mga inendorsong iskolar ng PCUP ay makakatanggap ng mga allowance at iba pang mga pangangailangan habang makakapamili ng nais nilang kurso na inaalok ng TESDA, kabilang na ang bread and pastry production, food processing, food and beverage services, computer systems servicing, electrical installation and maintenance, shielded metal arc welding, driving and heavy equipment operation at marami pang iba.

Bilang huling salita, hinayag ni Usec. Jordan na sa ilalim ng kanyang panunungkulan, maglulunsad ang PCUP ng marami pang mga programa na magpapalawig sa mga kapabilidad ng ahensya sa pagtupad ng mandato nitong makapagbigay ng tunay na serbisyo sa mga maralita.

“Bukod sa TESDA, magpapatuloy ang PCUP na makipag-ugnayan pa sa ibang mga ahensya ng pamahalaan para mapaigting pa ang mga kolaborasyon na magsusulong sa mga programa at serbisyo na kung saan makikinabang ng husto ang ating mahihirap na kababayan,” kanyang pagtatapos.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -