30.4 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Caloocan ISF group humiling ng tulong mula sa PCUP

- Advertisement -
- Advertisement -

LUNGSOD QUEZON, Kalakhang Maynila — Dumulog ang ilang mga informal settler family (ISF) mula sa Caloocan City sa Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na pinamumunuan ni Undersecretary Elpidio Jordan Jr. upang magkaroon ng accreditation ang kanilang urban poor organization at mabigyan sila ng tulong mula sa pamahalaan sa kanilang pagnanais na mapabuti ang kanilang pamumuhay at makamit ang magandang kinabukasan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Dumalaw sa PCUP ang grupo ng Silver Eight Neighborhood Association (SENA) sa pangunguna ng presidente nitong si Gng. Evelyn Bungay upang humiling ng tulong sa komisyon sa pamamagitan ni National Capital Region (NCR) Commissioner Rey Galupo na mabigyan sila ng accreditation at maresolba na rin ang mga usapin sa 2.5-ektaryang lupa na pagmamay-ari ng isang korporasyon sa Barangay 167 sa Llano, Caloocan City.

Binubuo ng 362 pamilya, sinamahan ang mga kinatawan ng SENA ng isang opisyal ng Caloocan City Housing and Resettlement Office (HARO) sa panunungkulan ni dating District I representative at ngayo’y city mayor Dale ‘Along’ Malapitan.

Ayon kay Bungay, dumulog sila sa tanggapan ng NCR commissioner dahil alam nilang makakatulong ang PCUP na maprotektahan ang kanilang mga karapatan kahit sila’y mga maralita lamang at mabigyan din ng paraan para mabili nila ang mga lote na kung saan nakatirik ang kanilang mga tahanan sa nakalipas na 13 taon.

“Kailangan namin ng tulong upang maprotektahan ang aming mga karapatan at makahingi ng kaunting konsiderasyon sa aming kalagayan bilang mga maralitang tagalungsod,” aniya.

Bilang tugon, nangako naman si Comm. Galupo na gagawin niya ang lahat upang matulungan ang mga ISF at matiyak na ang kanilang mga karapatan ay rerespetuhin habang ang akreditasyon ng kanilang asosasyon ay pinoproseso at makukumpleto sa pinakamadaling panahon.

“Ang mandato namin sa PCUP ay tulungan ang ating mga mahihirap na kababayan para mabigyan sila ng magandang kinabukasan sa pamamagitan ng pag-ugnay sa kanila sa mga karapat dapat na ahensya ng gobyerno na makakatulong sa kanila alinsunod sa adhikain ng ating Pangulong Bongbong Marcos na mapabuti at mapaunlad ang kabuhayan ng bawat pamilyang Pilipino,” pinunto ng dating mamamahayag.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -