26.4 C
Manila
Huwebes, Disyembre 5, 2024

PCSO, PCUP tutulong sa mga maralita ng Bgy. Sauyo

- Advertisement -
- Advertisement -

LUNGSOD QUEZON, Kalakhang Maynila — Nangako ng buong suporta si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Melquiades Robles para tulungan ang isang maralitang komunidad sa Novaliches, Quezon City kasunod ng pagdalaw sa kanyang tanggapan ni Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) commissioner in-charge for the National Capital Region (NCR) Rey Galupo upang humiling ng ayuda sa livelihood project ng Nagkaisang Mamamayan ng Barangay Sauyo (NAMABASA).

Inilarawan ni GM Robles si Comm. Galupo bilang matalik na kaibigan kaya sa pagkadinig ng kahilingan ng huli upang matulungan ang mga maralitang tagalungsod sa Bgy. Sauyo, hindi umabot ng isang minuto upang mangako ng suporta ang administrador ng PCSO na tulungan ang PCUP sa mandato nitong unahin ang kapakanan ng sektor ng mahihirap sa bansa.

Bilang reaksyon, taos-pusong nagpapasalamat si Comm. Galupo kay GM Robles at nilahad pa nito ang kasabihan ng nobelistang si Marcel Proust ng France: “Let us be grateful to people who make us happy, they are the charming gardeners who make our souls blossom.”

Sadyang ikinagalak ng PCUP NCR commissioner ang dagliang tugon ni GM Robles sa kanyang kahilingan at krinedito niya ito sa kanilang pagnanais na suportahan ang poverty alleviation program ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Simula pa nung maitalagang opisyal ng PCUP, dinalaw na ni Comm. Galupo ang mga komunidad ng maralitang tagalungsod sa buong Kamaynilaan at sa pagsaksi sa kahirapan dito, nagsagawa na siya ng mga courtesy call sa mga pribado at pampublikong tanggapan para matupad ang mandato ng PCUP na iugnay ang mga urban poor sa kaukulang ahensya na makakatulong na mapaunlad ang kanilang pamumuhay.

Sa ngayon, ang PCUP ay nasa ilalim ng bagong pamunuan sa pangunguna ni Undersecretary Elpidio Jordan Jr. na nangakong ilulunsad ang kanyang apat na banner program para sa urban poor sa susunod na taon alinsunod mga pro-poor na polisiya ng administrasyong Marcos.

Sa katatapos lang na Local Government Unit (LGU) Forum na isinagawa ng PCUP sa unang pagkakataon, nanawagan si Usec. Jordan sa mga local government chief executive (LGCE) na suportahan ang Komisyon at tulungang makamit nito ang adhikaing mapabuti ang pamumuhay ng mga sektor ng mahihirap sa buong bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -