QUEZON CITY, Metro Manila — Kasabay ng pagdiriwang ng Urban Poor solidarity Week (UPSW) sa susunod na buwan ng Disyembre, nakatakdang lagdaan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Department of Labor and Employment (DoLE) ang pinalawig na memorandum of agreement [MoA] na magpapatibay sa kanilang kasunduan na makapagkaloob ng tunay na serbisyo sa mga sektor ng mahihirap sa buong bansa.
Sa isinagawang zoom meeting kamakailan, nakipagpulong si PCUP chairperson Undersecretary Elpidio Jordan Jr. kina DoLE workers’ welfare and protection cluster Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay at labor employment officer Erickson Mag-isa para talakayin kung paano mapapalawig ang ugnayag ng dalawang ahensya at makapagbigay ng mas malawak na access sa oportunidad sa hanapbuhay at trabaho sa mga grupo ng maralitang tagalungsod.
Sa ilalim ng mandato nito, nagsisilbi ang PCUP bilang tagapag-ugnay sa mga ahensya ng pamahalaan sa pagtupad ng ahensya sa tungkulin nitong maisulong at maprotektahan ang mga karapatan ng mga urban poor organizations (UPOs) at komunidad, kabilang na ang mga informal settler family (ISF), at mabigyan sila ng pagtulong na magpapaangat sa kanilang pamumuhay at kabuhayan.
Nangako si Usec. Jordan, na inalalayan sa zoom meeting ng kanyang project and policy development unit head Yvelen Moraña at special asistant for internal and external affairs Jimmy Uy, na tatalima ang PCUP sa mandato nitong suportahan ang mga inisyatibong programa ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na nakatuon sa pagresolba sa problema ng kahirapan sa bansa at gayun din sa pagpapabilis ng pag-angat ng ekonomiya.
“We will not leave a single stone unturned in helping our urban poor. Ito ang nais ng ating Pangulo—ang masolusyunan ang kahirapan sa ating bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad sa ating mga maralita sa trabaho at kabuhayan,” pinunto ng PCUP chief-executive-officer.