Upang makamit ang layuning nakasaad sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 na magpatupad ng mga catch-up programs na tutugon sa learning loss, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mga panukalang batas upang mapaigting ang pabangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dinulot ng pandemya ng COVID-19.
Isa sa mga panukalang batas na ito ang Senate Bill No. 1604 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act. Layon nitong magpatupad ng pambansang learning intervention program upang tugunan ang learning loss. Magiging bahagi ng naturang programa ang mga organisadong tutorial sessions, mga maayos na intervention plans at learning resources, at masusing pagsusuri sa mga mag-aaral.
Saklaw ng panukalang ARAL Program ang essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grades 1 hanggang 10, at Science para sa Grades 3 hanggang 10. Binibigyang prayoridad sa naturang panukala ang reading at literacy para sa mga mag-aaral sa Kindergarten, Nakatutok din ang ARAL program sa pagpapatatag ng literacy at numeracy.
Paliwanag ni Gatchalian, hirap na ang mga mag-aaral sa bansa bago pa tumama ang pandemya ng COVID-19. Nasundan pa aniya ito ng kawalan ng face-to-face classes dahil sa pandemya, bagay na lalong nakaapekto sa performance ng mga mag-aaral.
Tinataya ng World Bank na umabot na sa 90.9% ang learning poverty sa Pilipinas. Ang learning poverty ang porsyento ng mga batang sampung taong gulang na hindi marunong bumasa o umunawa ng maikling kwento.
Layon din ng PDP 2023-2028 na palawigin ang access sa Alternative Learning System (ALS) sa pamamagitan ng dagdag na community learning centers sa mga munisipalidad at mga lungsod. Ayon kay Gatchalian, naaayon ito sa Republic Act No. 11510 o ang Alternative Learning System Act na kanyang isinulong noong 18th Congress.
Kaugnay nito, isinusulong ni Gatchalian ang pagpapataas ng enrollment sa ALS. Batay sa datos ng DepEd noong Marso 14, 2022, may 472,869 ALS learners na enrolled noong SY 2021-2022, mas mababa ng 38% kung ihahambing sa naitala bago sumiklab ang pandemya.
“Patuloy nating isusulong ang mga programang tutugon sa mga naging pinsala ng pandemya sa sektor ng edukasyon, lalong lalo na sa ating mga mag-aaral na matagal nang hindi nakabalik sa kanilang mga silid-aralan. Titiyakin natin ang suporta sa ating mga mag-aaral upang makamit nila ang sapat na kaalaman at kakayahan,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.