Sinabi ni Senador Win Gatchalian na ang social cost na dulot ng pagpayag sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa ay higit pa sa mga benepisyong pang-ekonomiya, base sa cost-benefit analysis (CBA) na isinagawa sa industriya.
Batay sa CBA, ang mga social at economic cost dahil sa mga krimen na nauugnay sa mga POGO tulad ng tax evasion, korapsyon, foregone foreign direct investments, (FDIs) at turismo na tinatayang nasa P143.30 bilyon ay mas higit pa sa tinatayang P134.86 bilyon na benepisyong pang-ekonomiya.
“Bagama’t mahirap kalkulahin ang katumbas na pera ng social cost ng mga POGO sa bansa, walang halagang katumbas ang buhay at dignidad ng mga biktima ng human trafficking, prostitusyon, at kidnapping,” diin ni Gatchalian.
Dagdag pa rito, batay sa isang position paper na isinumite ng Department of Finance (DOF), kasama sa mga social cost ang hindi magandang investor perception na maaaring humantong sa mga negatibong pangyayari tulad ng pagkawala ng kasalukuyan at potensyal na mamumuhunan, trabaho, at kita, sabi ni Gatchalian.
Batay pa rin sa parehong position paper, ang pinakamahusay na pagtatantya ng economic cost ng mga problemang panlipunan na nagmumula sa mga krimeng nauugnay sa industriya ng POGO ay ang dami ng karagdagang pondo na kailangan ng law enforcement agencies upang mahinto ang mga sinasabing social cost. Binigyang-diin ng senador na ang mga gastos sa pagpapatupad ng batas ay inaasahang tataas kung tataas din ang bilang ng mga nabanggit na krimen.
Ang Senate Committee on Ways and Means, na pinamumunuan ni Gatchalian, ay nagsagawa ng pagsisiyasat sa social cost ng POGO operations sa bansa kasunod ng pagdami ng krimen tulad ng kidnapping, illegal detention, prostitution, at money laundering na nauugnay sa mga POGO.
Ibinunyag sa mga pagdinig na ang mga POGO ay nag-ambag lamang ng mas mababa sa 1% ng gross domestic product (GDP) ng bansa noong 2021.
“Bagama’t mahirap kalkulahin nang lubos ang kabuuang gastos sa lipunan o pagpayag nating manatili ang mga POGO sa bansa, mga datos ang makapagpapatunay na dahil sa krimen na kinasasangkutan ng mga POGO ay mas makakabawas pa ang kanilang presensya ng mga mamumuhunan sa bansa at kalaunan ay makakaapekto pa sa kabuuang ekonomiya,” pagtatapos ni Gatchalian.