Nais ni Senador Win Gatchalian na gawing mas madali para sa mga tagapagmana na maghain at magbayad ng kanilang mga estate taxes. Ito ay isa sa mga probisyon ng Senate Bill 1346, o ang Ease of Paying Tax Act, na nagpapakilala ng mga administratibong reporma sa buwis sa pamamagitan ng pag-amyenda sa ilang probisyon ng National Internal Revenue Code of 1997.
Sa ilalim ng umiiral na batas, ang mga tagapagmana ay kailangang maghain ng estate tax returns at magbayad para sa kaukulang buwis sa ari-arian sa parehong revenue district kung saang ang namatay na kaanak ay naninirahan sa oras ng kanyang kamatayan.
Sa mga kaso kung saan ang namatay ay walang ligal na paninirahan sa Pilipinas, ang mga tagapagmana ay kailangang maghain ng estate tax return sa opisina ng Commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
“Ang panukala ay magbibigay sa mga taxpayers o sa mga tagapagmana ng kakayahang pumili kung saan nila gustong mag-file at magbayad ng mga buwis,” sabi ni Gatchalian.
Ayon sa kanya, maraming mga kaso na kung saan ang mga tagapagmana na nagpoproseso ng estate tax return ng namatay na kaanak ay naninirahan sa lugar na malayo sa revenue district office ng namatay.
Nabanggit niya na sa ilalim ng kasalukuyang set-up, ang mga tagapagmana ay kailangan pang maglakbay sa lugar kung saan ang namatay na kaanak ay naninirahan. Nagdudulot din ito aniya ng pagkagambala sa trabaho, bukod sa iba pang mga abala. Higit pa riyan ang karagdagang gastos.
“Ang pangkalahatang layunin ng mungkahi ay maglagay ng isang sistema ng pangangasiwa ng buwis na hihikayat sa mga taxpayers na magbayad ng tamang buwis sa natatakdang panahon,โ ayon kay Gatchalian.
“Kailangan nating gawing simple at madali ang pagbabayad ng buwis para sa ating mga taxpayers. Inaasahan natin na magiging maayos ang pangongolekta para makalikom ng sapat na buwis ang pamahalaan para mapondohan ang iba’t ibang programa ng gobyerno,” ayon sa senador, na syang namumuno ng Senate Committee on Ways and Means.
Si Gatchalian ay nagbigay ng isang co-sponsorship speech ukol sa Taxpayerโs Bill of Rights and Obligations Act na naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang mga taxpayers sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila sa kanilang mga pangunahing karapatan at obligasyon. Ang Senate Bill No. 1199 ay naghahangad din na lumikha ng Office of the Taxpayer Advocate na tatanggap ng mga reklamo ng mga taxpayers at magtitiyak na ang kanilang mga karapatan ay pinangangalagaan.