Dapat ituloy ng Pilipinas ang energy diversification o sari-saring pinagkukunan ng enerhiya at energy transition upang mapabuti ang energy security sa bansa nang pangmatagalan, sabi ni Senador Win Gatchalian. Ang kanyang panawagan ay kasunod ng bumababang trend sa energy security ng bansa sa 59.67% noong nakaraang taon mula 61.36% noong 2021 ayon sa World Energy Trilemma Index 2022. Saklaw nito ang import dependence, pagkakaiba-iba ng pagbuo ng kuryente, at pag-iimbak ng enerhiya.
Kapansin-pansin na kahit na ang mga bansang walang sariling langis at gas ay mas mahusay kaysa sa Pilipinas pagdating sa ranking ng energy seurity kung isasaalang-alang na ang Pilipinas ay isang bansang gumagawa ng langis at gas, sabi ni Gatchalian. Ang mga halimbawa ng bansang walang sariling langis at gas ay Finland, Sweden, Slovenia, Estonia, Portugal, Switzerland, Uruguay, Kenya, Bosnia and Herzegovina, Lithuania, at South Korea. Nakuha naman ng South Korea ang pinakamataas na marka na 62.15% sa mga hindi gumagawa ng langis at gas na ekonomiya sa Asya. Kung ikukumpara, ang Pilipinas as may markang 59.67%.
“Makikita natin sa datos na kahit na ang mga bansang hindi gumagawa ng langis at gas ay nakakakuha ng mataas na marka pagdating sa seguridad sa enerhiya. Ang susi ay ang paghahangad ng sari-saring pinagkukunan ng enerhiya pati na rin ng iba’t-ibang supplier na mahalaga rin,” sabi ni Gatchalian.
“Dahil sa patuloy na mga hamon sa pandaigdigang suplay ng enerhiya, dapat ding maging mas masigla ang bansa sa pagtataguyod ng renewable energy dahil ang mga ito ay makukuha natin mismo sa bansa at hindi apektado ng supply at price shocks, kaya tinitiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente,” dagdag niya.
Gayunpaman, sa short at medium term, ang energy diversification at energy transition ay nangangahulugan din ng pagpasok ng liquified natural gas (LNG) sa merkado upang matugunan ang pagbaba ng output ng Malampaya gas field.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 152 o ang Midstream Natural Gas Industry Development Act, upang isulong ang pag-unlad ng industriya upang makatulong na makamit ang seguridad ng enerhiya sa pamamagitan ng diversification ng mga pinagkukunan ng enerhiya. Madidiskubre dito ang mga hindi pa nagagamit na potensyal ng natural gas, lalo na ang LNG.
Siya rin, na vice chairman ng Senate Energy Committee, ay naghain ng Senate Bill 157 o ang Energy Transition Act, para mapahusay ang energy security ng bansa sa pamamagitan ng sustainable at alternatibong mga pinagkukunan, gayundin ang pagsulong ng malinis na pinagkukunan ng enerhiya sa hangaring mapanatiling mababa ang gastos sa kuryente.
Samantala, ang Energy Trilemma Index na inilalabas taun-taon ng pandaigdigang forum na World Energy Council ay isang indikasyon upang makita ang kalagayan ng mga bansa sa pamamagitan ng Energy Security, Energy Equity, at Environmental Sustainability.