Sa kabila ng naantalang pagdating ng mga COVID-19 bivalent vaccines, isinusulong naman ni Senador Win Gatchalian ang pagpapatatag sa kakayahan ng bansang gumawa ng mga bakuna sa pamamagitan ng paglikha ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP).
Ipinaliwanag kamakailan ng Department of Health (DOH) na nahuli ang mga bakuna dahil sa hindi pagpapalawig sa declaration ng state of calamity lagpas sa 2022.
“Sa nakita nating pinsala ng COVID-19, kailangang handa na tayo sa pang hinaharap at mahalagang magkaroon tayo ng sarili nating research and development sa larangan ng pag-aaral ng mga bakuna upang maagapan ang anumang uri ng sakit na maaaring kumitil ng buhay,” ani Gatchalian.
Nakasaad ang panukala ni Gatchalian sa Virology and Vaccine Institute Act of the Philippines (VIP) of 2022 (Senate Bill No. 941) na muli niyang inihain ngayong 19th Congress. Layon ng naturang panukala na ang pagtatatag ng VIP ay bilang isang premier research and development institute sa larangan ng virology na sasaklawin ang lahat ng mga uri ng virus at viral diseases sa mga tao, hayop, at mga halaman.
Kasama sa magiging mga mandato ng VIP ang scientific at technological research and development sa larangan ng virology at ang paglikha ng information system ukol sa virology science and technology na magagamit ng parehong pampubliko at pribadong sektor.
Maliban sa paglikha ng mga diagnostic kits, vaccines, at therapeutics para sa mga tao, lilikhain din ng VIP ang mga ito para sa mga sakit ng halaman at hayop, lalo na’t nagdudulot ito ng matinding kawalan sa mga magsasaka at nakakapinsala sa agrikultura at suplay ng pagkain. Binalikan ni Gatchalian ang naging karanasan ng bansa sa unang African swine fever outbreak noong July 2019 na nagdulot sa pagkitil sa buhay ng 251,450 na mga baboy, pagbaba ng 8.5% sa national production, at kawalan ng halos P1 bilyon.
Inalala rin ni Gatchalian na noong Hulyo 2020, naiulat sa Pampanga ang nakakahawang H5N6 subtype ng influenza A virus na nagdulot sa pagpatay sa halos 39,000 na mga manok upang maiwasan ang bird flu outbreak.
Sa ilalim din ng panukalang batas, magbabalangkas ang Health Facilities and Services Regulatory Bureau (HFSRB) ng mga pamantayan sa regulasyon at operasyon ng virology-related facilities. Gagawin ito ng kagawaran sa tulong ng Department of Agriculture (DA) at iba pang ahensya ng pamahalaan.