ISANG makasaysayang hakbang para sa kapakanan ng Persons with Disabilities (PWDs) sa Barangay Kapatagan nang matagumpay na naisagawa ang isang specialized training sa paggawa ng carrot soap, na layong bigyan sila ng bagong pagkakataon para sa kabuhayan. Pinangunahan ito ng Presidential Commission for the Urban Poor – Field Operations Division for Mindanao (PCUP-FODM).

Si Juanito Momo Jr., isang licensed chemist at kilala sa kanyang adbokasiya na magbigay edukasyon para sa maralitang komunidad ang nagsilbing resource speaker ng aktibidad gamit ang carrot at iba pang gulay bilang pangunahing sangkap sa paggawa ng natural at makabagong sabon. Tinuruan niya ang mga kalahok ng tamang proseso, teknik, at wastong pamamaraan upang mapakinabangan nila ang bagong kasanayan bilang posibleng hanapbuhay at pagkukunan ng dagdag kita.
“Patuloy po na i-momonitor ng PCUP Mindanao ang nasabing PWD Association sa kanilang paggawa sa Soap Making at sa darating na panahon ay mapapakinabangan na nila eto sa pamamagitan ng pagkaroon ng dagdag kita” Area Coordinator in charge, Engr. Jose Atanoza.

Dahil sagana sa agrikultura ang Barangay Kapatagan, ito ay naging bahagi ng mas malawak na layunin ng PCUP na mapaunlad ang sustainable livelihood opportunities para sa sektor ng PWDs, na kadalasang nasa laylayan ng lipunan. Nagpahayag naman ang mga kalahok ng kanilang taos-pusong pasasalamat sa pagkakataong matuto ng bagong kakayahan na maaari nilang gawing pagkakakitaan.
“Lubos akong nagpapasalamat kay Mr. Juanito Momo Jr. at sa buong team ng PCUP-FODM sa kanilang dedikasyon sa pagtuturo at pagbibigay ng makabuluhang kasanayan. Patuloy nating pagsusumikapan na magdala ng mga ganitong programa na nagbibigay boses at pag-asa sa ating mga kapatid na PWDs,” ani PCUP Commissioner Remedios Chan.

Ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ay isang ahensiya ng gobyerno na nagsusulong ng mga karapatan, kapakanan, at kaunlaran ng maralitang tagalungsod sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa edukasyon, kabuhayan, at pabahay.



