28.6 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

Insidente ng mga kidnapping sa bansa dahil sa POGO tuloy pa rin —Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Ang mga insidente ng kidnapping na nauugnay sa mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ay patuloy na nangyayari sa bansa sa kabila ng mga pagtitiyak na ginawa ng pulisya na ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga kumpanya ng POGO ay natugunan na, ani Senador Win Gatchalian.

Ang pagsisiwalat ni Gatchalian ay nakasaad sa Chairman’s Report ng Senate Committee on Ways and Means kasunod ng serye ng mga pampublikong pagdinig na isinagawa ng Senado upang matukoy ang epekto ng pagpayag sa operasyon ng POGO sa bansa. Si Gatchalian ang nagsisilbing chairman ng komite.

Base sa liham ng National Bureau of Investigation (NBI) sa senador na may petsang Marso 9, 2023, sinabi ni Gatchalian na kinumpirma ng ahensya ang isang insidente ng kidnapping na kinasasangkutan ng isang lisensyadong POGO service provider sa bansa.

“Napag-alaman sa isinagawang pag-iimbestiga na noong 16 Pebrero 2023, si Consul Cao Kaiwen ng Embahada ng People’s Republic of China sa Pilipinas ay humiling ng tulong sa NBI upang iligtas ang isang lalaking Chinese national (na nagngangalang) Cao Xialong, na diumano ay iligal na nakakulong sa Brickhartz Technology Inc., Shuangma Park,” ayon sa liham, na nilagdaan ni NBI Director Atty. Medardo de Lemos. Kasalukuyang kumikilos ang NBI upang mangalap ng mga impormasyon para mailigtas ang biktima.

“Nakakaalarma ito dahil ipinapakita lang na ang ilang POGO ay patuloy na gumagawa ng mga ilegal na aktibidad. Gayundin, ito ay nagpapahayag ng walang habas na pagwawalang-bahala at panunuya ng industriya sa ating mga batas sa kapayapaan at kaayusan,” sabi ni Gatchalian. Sinabi niya na ang Brickhartz ang parehong POGO service provider na sangkot sa hiwalay na kaso ng kidnapping at human trafficking na binanggit ni Senador Grace Poe sa isang privilege speech sa Senado noong Disyembre ng nakaraang taon.

Sa hiwalay na liham na may petsang Marso 17, 2023 mula kay Region 3 Director Police Brigadier General Jose Hidalgo Jr., isiniwalat din na pinangunahan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang entrapment operation sa lugar ng POGO operator na Lucky South 99 sa Angeles. City, Pampanga noong Setyembre 14, 2022. Ang nasabing operasyon ay humantong sa pagligtas kay Wu Jia Ming, isang Chinese national at 42 na iba pang foreign nationals.

Arestado sa operasyong iyon si Chen Yi Ben, isa ring Chinese national at human resource staff ng Lucky South 99. Dahil dito, sinampahan din ng kasong kriminal si Chen Yi Ben at dalawa pang Chinese national na pinaghahanap pa rin hanggang ngayon, sina Qi Xi Chen at Hao Nan.

“Hindi pa rin tumitigil ang ganitong mga krimen na kinasasangkutan ng mga POGO. Malinaw na kinakasangkapan lang nila ang operasyon nila sa bansa para maisakatuparan ang mga iligal nilang aktibidad,” giit ni Gatchalian.

Ang isinagawang serye ng mga imbestigasyon ng Senate Ways and Means Committee ay upang timbangin ang mga socio-economic benefits ng pagpapahintulot sa mga operator ng POGO sa bansa kasunod ng mga ulat ng iba’t ibang kriminalidad na nauugnay sa industriya.

Batay sa ulat na isinumite ng PNP, ang mga insidente ng kidnap-for-ransom ay ang pinakakaraniwang krimen na nauugnay sa industriya ng POGO, na may 30 kaso na naitala mula 2017 hanggang 2022. Kabilang sa iba pang krimen na nauugnay sa industriya ang human trafficking, at mga paglabag sa Access Devices Regulation Act, bukod sa iba pa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -