Nagpasalamat si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman sa tiwala at kumpiyansa ng publiko — ayon sa isang survey kung saan siya ang ika-apat na pinagkakatiwalaan at may kakayahang miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Nakakataba ng puso na malaman na maraming mga kababayan ang nagtitiwala sa atin bilang Budget Secretary. Maraming salamat po. Wala po tayong ibang layunin kundi ang magsilbi at makatulong sa pagpapaunlad ng buhay ng mga Pilipino,” sabi ni Secretary Pangandaman.
Inilabas ng RP-Mission and Development Foundation Inc. noong 23 Marso 2023 ang isang national “Boses ng Bayan” survey kung saan binigyan ang DBM Secretary ng trust rating na 70% — 3% na mas mataas sa 67% noong Disyembre 2022.
Nanatili namang 73% ang job performance rating ni Sec. Pangandaman.
Isinagawa ang independent at non-commissioned survey mula 25 Pebrero hanggang 8 Marso 2023, na may kabuuang 10,000 adult respondents, at total margin of error na +/- 1%.
“Ito ay magsisilbing inspirasyon sa akin na magtrabaho ng doble upang masiguro na tayo ay nasa tamang landas sa ating Agenda for Prosperity para walang Pilipinong maiiwan sa ating economic transformation,” dagdag ni Pangandaman.
Samantala, nasa ika-apat na puwesto naman si DBM Undersecretary Goddes Hope Libiran sa isa pang survey ng RPMD para sa “Top Spokespersons of Government Agencies.” Binigyan si Usec. Libiran ng 84% job performance rating noong Marso 2023 — 1% na mas mataas mula sa 83% na kanyang nakuha noong Disyembre 2022.