Upang masuri ang epekto ng Mother-Tongue Based Multilingual Education (MTB-MLE) sampung taon mula noong una itong ipatupad, Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang national impact evaluation ng naturang polisiya.
Sa isang privilege speech, ipinahayag ni Gatchalian ang kanyang pagkadismaya sa kawalan ng malawakang pag-aaral sa epekto ng polisiya. Ayon kay Gatchalian, dapat sagutin ng gagawing pag-aaral kung umangat ba ang antas ng early grade literacy sa mother tongue, English, at Filipino dahil sa MTB-MLE.
Dapat din aniyang sagutin ng gagawing pag-aaral kung nakatulong ba ang polisiya sa pag-unawa ng mga mag-aaral sa ibang learning areas tulad ng Math at Science. Dapat ding tukuyin ang mga pangmatagalang epekto ng MTB-MLE sa mga mag-aaral sa key stages 2 hanggang 4.
Ibinahagi ni Gatchalian ang naging resulta ng mga isinagawa niyang konsultasyon sa Pangasinan, Cebu, Davao, at Metro Manila, kung saan lumalabas ang mga hamon sa pagpapatupad ng polisiya sa mga lugar na gumagamit ng maraming wika.
Ani Gatchalian, maaaring nagdudulot ng diskriminasyon ang polisya sa mga mag-aaral na hindi bihasa sa lokal na wikang ginagamit sa pagtuturo. Imbes na matuto sa kanilang unang wika, napipilitan ang maraming mga mag-aaral na gumamit ng wika kung saan hindi sila bihasa.
Ibinahagi ni Gatchalian ang halimbawa ng Marahan West Elementary School sa Lungsod ng Davao kung saan Sinugbuanong Binisaya ang ginagamit bilang wika sa pagtuturo Samantala, 40% ng mga mag-aaral sa key stage 1 ang gumagamit ng Davao Bisaya. Iba’t ibang wika naman ang ginagamit ng ibang mag-aaral ngunit walang gumagamit ng parehong wikang ginagamit sa pagtuturo.
“Bilang isang bansang kinabibilangan ng iba’t ibang komunidad na may kanya-kanyang wika at dayalekto, tiyak na hati ang kinahinatnang epekto ng implementasyon ng MTB MLE. Saksi ang mga guro at magulang na hindi ito epektibo para sa lahat. Pakinggan natin ang boses nila lalo na’t walang teorya ang makakapantay sa reyalidad na nararanasan nila. Sa huli, sila mismo ang patunay na hindi ‘one-size-fits-all’ ang pagpapatupad ng MTB-MLE,” ani Gatchalian.
Pinuna rin ni Gatchalian ang pagbaba ng mga marka ng bansa kung ihahambing ang resulta ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) 2003 at 2019. Bumaba ng 61 points ang marka ng mga mag-aaral ng bansa sa Math samantalang 83 points naman ang ibinaba sa Science.
Ayon kay Gatchalian, kung susuriin ang iba pang impormasyon at datos na may kinalaman sa wika ng assessment, curriculum coverage, socioeconomic status, at teacher quality, lumalabas na maaaring nakaapekto sa pagbaba ng marka ng mga mag-aaral ang pagpapatupad ng MTB-MLE. Ngunit para kay Gatchalian, kinakailangan pa ng mas malalim na pagsusuri upang patunayan ito.