32.2 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

Gatchalian: Pakikilahok ng mga magulang sa edukasyon dapat paigtingin

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa gitna ng pagdiriwang ng Global Day of Parents, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang ganap na pagpapapatupad ng Parent Effectiveness Service Act (Republic Act No. 11908) upang patatatagin ang pakikilahok ng mga magulang sa edukasyon ng mga kabataan.

Itinatatag ng naturang batas ang Parent Effectiveness Service (PES) Program upang linangin ang kaalaman at kakayahan ng mga magulang at mga parent-substitutes sa pagtupad ng kanilang tungkulin, pagprotekta sa karapatan ng mga bata, pagsulong sa positive early childhood development, at tulungan ang mga batang matuto nang husto. Si Gatchalian ang isa sa mga may akda at sponsor ng naturang batas.

Inspirasyon ng batas ang Nanay-Teacher Program na ipinatupad sa tulong ng Synergeia Foundation sa Lungsod ng Valenzuela. Nagsimula ang programa bilang bahagi ng mga adbokasiya ni Gatchalian noong nagsilbi siyang alkalde ng Lungsod ng Valenzuela.

Sa ilalim ng batas, ipapatutupad ang PES program sa bawat lungsod at munisipalidad. Ipatutupad ng mga lungsod at munisipalidad ang mga parent effectiveness sessions sa pamamagitan ng kanilang social welfare and development offices at local government units.

Bibigyang prayoridad ng programa ang mga magulang at mga parent-substitutes ng mga batang nangangailangan ng tulong, kabilang ang mga children at risk, children in conflcit with the law, at mga batang nakaranas ng karahasan. Bibigyan din ng prayoridad ang mga solo parents.

Kasama naman sa mga module ng programa ang mga paksang tulad ng hamon sa mga magulang, proteksyon ng mga kabataan mula sa pang-aabuso, paglinang sa magandang pag-uugali, kalusugan at nutrisyon, pagpapanatili ng maayos na physical environment, proteksyon ng mga bata sa panahon ng mga sakuna, at pagtaguyod sa kapakanan ng mga batang nagbibinata o nagdadalaga.

“Ang ating mga magulang ang una nating guro at nagpapatuloy ang kanilang mahalagang papel sa edukasyon ng ating mga kabataan. Kaya naman mahalagang tulungan natin sila na magampanan nang epektibo ang kanilang tungkulin sa pagpapalaki ng mga mabubuting mamamayan,” said Gatchalian, Chairperson of the Senate Committee on Basic Education.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -