26.1 C
Manila
Lunes, Enero 20, 2025

Mas malakas na Intervention programs para sa mga mag-aaral isinusulong ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Matapos lumabas ang isang ulat na pumupuna sa mass promotion sa mga paaralan, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng mga epektibong intervention programs upang matulungang makahabol ang mga nahihirapang mag-aaral.

Pinuna ng advocacy group na Philippine Business for Education (PBEd)sa inilabas nitong State of Education Report ang pananatili ng mass promotion sa mga paaralan sa kabila ng kawalan ng opisyal na polisiyang nagbabawal rito, bagay na anila’y nakapipinsala sa pagkatuto ng mga mag-aaral. May mahigit-kumulang 300 stakeholders, kabilang ang mga teachers at school leaders na lumahok sa pag-aaral, kung saan lumabas ang koneksyon sa pagitan ng performance ng mga mag-aaral, performance-based bonus ng mga guro, at ranking ng mga paaralan sa mga rehiyon.

Ayon kay Gatchalian, magdudulot pa lalo ng pinsala sa mga mag-aaral at sa kaunlaran ng bansa kung mananatili ang kultura ng mass promotion bagama’t hindi ito opisyal na polisiya ng DepEd. Aniya, kinakailangan ang masusing assessment sa mga mag-aaral upang matukoy kung anong mga remediation at intervention ang maaaring makatulong sa kanila.

“Hindi na natin dapat ipagpatuloy ang kultura na para lang makatapos ang mga mag-aaral ay kailangan na silang ipasa, pero hindi naman sila natututo. Imbes na makatulong, magdudulot ito ng pinsala sa kanila at sa ating bansa. Kailangan nating tutukan kung paano matutulungan ang ating mga guro at mag-aaral upang matiyak na walang kabataan ang mapag-iiwanan,” sabi ni Gatchalian.

Binigyang diin din ni Gatchalian na lalong kinakailangan ng mga mag-aaral ang assessment lalo na’t nagdulot ng learning loss ang pandemya ng COVID-19. Sa ilalim ng ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604), isinusulong ni Gatchalian ang masusing assessment sa kakayahan ng mga mag-aaral bilang bahagi ng learning recovery. Nakasaad sa panukalang batas na bago simulan ang ARAL Program, kailangan munang magsagawa ng assessment upang matukoy ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong.

Tiniyak din ni Gatchalian na tatalakayin ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) kung paano wawakasan ang kultura ng mass promotion at maiangat ang performance ng mga mag-aaral.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -