KASUNOD ng pagbubukas ng 20th Congress, muling inihain ni Senador Win Gatchalian ang mga panukalang reporma upang tugunan ang krisis ng bansa sa edukasyon.
“Marami pa tayong mga repormang nais isulong upang masugpo ang krisis na kinakaharap ng ating bansa pagdating sa edukasyon. Sa pagbubukas ng 20th Congress, patuloy nating bibigyang prayoridad ang mga repormang mag-aangat sa kalidad ng edukasyon sa bansa,” ani Gatchalian.
Isa sa mga panukalang batas na ito ay ang pag-amyenda sa Philippine Teachers Professionalization Act of 1994 (Republic Act No. 7836) upang patatagin ang professional standards at dagdagan ang bilang ng mga kwalipikadong guro.
Muli ring inihain ni Gatchalian ang 21st Century School Boards Act upang paigtingin ang pakikilahok ng mga local government units sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon. Inihain ding muli ni Gatchalian ang mga panukalang rebisyon sa Adopt-a-School Act of 1998 (Republic Act No. 8525). Layon ng naturang panukala na paigtingin ang pakikilahok ng pribadong sektor sa pagpapaunlad sa sistema ng public education sa bansa.
Isa rin sa mga muling inihain ni Gatchalian ay ang panukalang i-institutionalize ang Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) Program sa lahat ng mga pampublikong paaralan at sa mga pribadong madari sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).