Iminumungkahi ni Senador Win Gatchalian ang pagsasagawa ng pinaigting na kampanyang back-to-school sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang tugunan ang mababang enrollment sa rehiyon.
Nababahala si Gatchalian sa mababang cohort survival rate sa rehiyon. Batay sa datos mula sa Department of Education (DepEd) na sinuri ng tanggapan ng senador, 17 lamang sa bawat 100 na mag-aaral na pumasok sa Grade 1 noong School Year (2010-2011) ang nakatapos ng Grade 12 pagdating ng SY 2021-2022. Kung ihahambing sa buong bansa, 51 sa 100 na mag-aaral na pumasok sa Grade 1 noong SY 2010-2011 ang nakatapos sa Grade 12 pagdating ng SY 2021-2022.
Nababahala rin ang Senador na halos kalahating milyong kabataan sa BARMM ang wala sa paaralan bagama’t umabot sa 991,243 ang enrollment sa rehiyon. Batay sa datos ng DepEd at ng Philippine Statistics Authority (PSA) na sinuri ng tanggapan ng senador, 32% o 463,963 na kabataan sa rehiyon ang wala sa paaralan.
Lumalabas din sa datos ng DepEd na 6% o 28,832 out-of-school youth lamang ang naka-enroll sa Alternative Learning System (ALS).
Batay naman sa 2019 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey ng PSA, pangunahing mga dahilan ng hindi pagpasok sa mga nasa edad 6-20 ang kawalan ng personal na interes (34%) at kawalan ng sapat na kita para sa pag-aaral ng mga bata (25.6%).
“Kailangang hikayatin natin ang ating mga magulang at kabataan sa BARMM upang magbalik at manatili sa mga paaralan. Puntahan natin ang bawat tahanan at tiyakin nating hindi mapagkakaitan ng edukasyon ang ating mga kababayan sa BARMM,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Sa pagpapatupad ng back-to-school campaign, binigyang diin ni Gatchalian na kailangang makipagtulungan sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education ng BARMM. Binigyang diin niya rin na kailangang puntahan ang bawat sambahayan sa tulong ng mga mayor, barangay captain, at iba pang community leaders.
Isinusulong din ni Gatchalian ang pagpapatupad ng mga programang magpapanatili sa mga mag-aaral sa paaralan, lalo na ang mga mag-aaral sa Grade 1 hanggang Grade 6. Kabilang sa mga programang ito ang school feeding program.
Iminumungkahi rin ng senador ang maigting na pagpapatupad ng programang ALS upang linangin ang kakayahan ng kasalukuyang working population at ng mga out-of-school youth.