PINAGPAPALIWANAG ni Senator Grace Poe ang Toll Regulatory Board (TRB) kaugnay ng ipatutupad na dagdag-singil sa toll ng North Luzon Expressway (NLEX) simula Huwebes, Hunyo 15.
“If these were periodic adjustments from more than a decade ago, the Toll Regulatory Board must explain why it only approved it now in one big swoop,” (“Kung ito ay periodic adjustments na isang dekada na ang nakararaan, kailangng ipaliwanag kung bakit magtataas ng napakalaki nang isang beses lang”), ayon kay Poe sa isang statement.
Kasunod ito sa pag-apruba ng TRB sa karagdagang P7 singil sa toll sa NLEX sa open system at P0.36 kada kilometro naman sa closed system.
Batay sa pahayag ng NLEX Corp., operator ng NLEX, magbabayad ng karagdagang P7 ang mga motoristang bumibiyahe sa loob ng open system para sa Class 1 na sasakyan (regular na sasakyan at SUV), P17 para sa Class 2 na sasakyan (bus at maliliit na trak), at P19 para sa Class 3 na sasakyan (malalaking trak). Magbabayad naman ng 36 centavos kada kilometro ang mga bibiyahe sa loob ng close system.
Ang mga bibiyahe mula Metro Manila patungong Mabalacat City, Pampanga, kabilang ang Subic-Tipo, ay magbabayad ng karagdagang P33.00 para sa Class 1, P81.00 para sa Class 2 at P98.00 para sa Class 3 na sasakyan.
Ang open system ay sumusunod sa isang flat rate, habang ang closed system ay nasa per-kilometer na batayan.
Ang bagong toll rates ay bahagi ng periodic adjustments ng NLEX na ipinatupad sa mga taong 2012, 2014, 2018 at 2020.
Sa kanyang pahayag, idinagdag pa ni Poe, pinuno ng Senate committee on public services, na kailangang idetalye ng TRB sa mga motorista kung bakit ngayon lamang inaprubahan ang mga adjustments na dapat ay matagal nang ipinatupad.
Diokno nagpaliwanag
Nauna rito, inihayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ang kawalang aksyon ng mga nagdaang administrasyon ang naging sanhi ng pagdami ng kahilingang magtaas ng toll rate sa NLEX. (Basahin sa https://www.manilatimes.net/2023/06/12/news/national/nlex-toll-hike-fair-diokno/1895619)
Ayon pa kay Diokno, maingat nilang pinag-aralan at inalisa ang hiling na dagdag-singil bago inaprubahan. Ang dagdag-singil ay isasagawa ng unti-unti at hindi isang beses lamang. Unti-unti itong ipinatupad, dagdag ng kalihim ng Department of Finance (DoF).
Kailangan umanong tuparin ng pamahalaan ang mga obligasyong nilagdaan sa ilalim ng public-private partnerships (PPP) kung saan ang isang gobyerno ay nakikipagtulungan sa pribadong sector upang magtayo ng mga imprastraktura, tulad ng kalsada o tulay, dagdag ni Diokno.
Bagama’t bahagi ng kontrata sa PPP ang pagsasaayos ng pamasahe, pinaalalahanan naman ni Poe ang TRB na tungkulin din ng ahensya na protektahan ang interes ng mga motorista.
Hindi apektado sa dagdag-singil ang mga public utility jeepneys (PUJs) na nasa ilalim ng NLEX Pass-ada discount and rebate programs.
Toll Regulatory Board, bakit itinatag
Itinatag ang TRB sa bisa ng Presidential Decree No. 1112 o ang Toll Operation Decree, at nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos noong March 13, 1977.
Ayon sa PD 1112, dahil may malaking pangangailangan sa pananalapi ang mga programa sa pagpapaunlad ng pamahalaan kaya’t kinakailangang humanap ng alternatibong pagkukunan ng pamumuhunan upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga proyekto at maging matagumpay.
Upang makaakit din ng pamumuhunan ng pribadong sektor sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan, kailangang pahintulutan ang pangongolekta ng toll fee para sa paggamit ng ilang mga pampublikong lansangan
Noong Disyembre 19, 2007, ipinalabas ang Executive Order No. 686 na naglilipat saTRB mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) tungo sa Department of Transportation and Communications (DoTC) na sa kasalukuyan ay Department of Transportation (DoTr).
Sa nasabing kautusan, tinanggalin din ng kapangyarihan ang TRB na pumasok sa mga kontrata sa ngalan ng pamahalaan para sa mga konstruksyon, pagpapatakbo at pagpapanatili ng mga pasilidad ng toll, para sa mga highway, kalsada, tulay at pampublikong lansangan. Inilipat ito sa DPWH ngunit ibinalik sa TRB noong Marso 26, 2013 sa bisa ng EO No. 133 na nilagdaang ni yumaong Pangulong Benigno S. Aquino 3rd. Rufina Caponpon