LIGTAS ang lahat ng pasahero at tripulante nang masunog ang kanilang sinasakyang pampasaherong barko ilang kilometro ang layo sa Tagbilaran City Port Linggo ng madaling araw.

Naglalayag ang M/V Esperanza Star sa karagatan sa Dolio Point malapit sa isla ng Panglao nang magkaroon ng sunog sa labas ng engine room sa likurang bahagi ng barko.
Sinabi ni Anthony Damalerio, pinuno ng Tagbilaran City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), na mabilis na nakaresponde ang ilang mangingisa mula Tagbilaran at Panglao at mga tripulante ng isa pang naglalayag na pampasaherong barko matapos magbigay ng alarma ang kapitan ng barko.
Ayon sa naunang ulat, 65 pasahero ang lulan ng barko, ngunit sinabi ni Damalerio na mayroong 72 pasahero at 61 tripulante ang nailigtas.
Nagbigay ng maiinom na tubig, mga damit at tsinelas ang Kho Shipping Lines (KSL) Incorporated, may-ari ng M/V Esperanza, sa mga nailigtas ng pasahero at tripulante na dinala sa Tagbilaran Port terminal.
Sa isang pahayag sa kanilang Facebook page, pinasalamatan ng KSL ang Bohol coast guard, mga tripulante ng TransAsia 19, at mga mangingisda sa agarang pagtugon sa distress call ng nasusunog na barko.
Ang M/V Esperanza Star, ang RoRo vessel ng KSL, ay nagsisilbi sa ruta ng Cebu City-Tagbilaran City-Lazi, Siquijor-Iligan City.
Sinabi rin sa pahayag na agad na pinagana ang mga functional fire suppression system na naka-install sa barko tulad ng CO2, fire hydrant, sprinkling system at iba pa upang apulain ang apoy at maiwasan ang karagdagang pinsala.
Papalitan din ng KSL ang M/V Esperanza ng M/V Cataingan upang hindi maantala at magpatuloy sa paghahatid ng mga pasahero at kargamento na dumadaan sa nasabing ruta.
Mananatili naman ang nasunog na barko sa daungan ng Tagbilaran habang inaalam ang pingmulan ng sunog pati na ang mga tripulante nito.
Noong ika-29 ng Marso, 2023, 29 pasahero ang namatay nang masunog ang MV Lady Mary Joy 3, isang ferry boat na may lulang 250 katao sa karagatang sakop ng Basilan.
Labing-isang katao, kabilang ang tatlong bata ang nalunod habang 18 ang namatay sa nasusunog na barko, ayon kay Basilan Governor Hadjiman Hataman Salliman.
Mayo 22, 2022, pitong katao ang namatay nang masunog ang isang high-speed ferry na may sakay na 134 pasahero at tripulante bago makarating sa daungan sa Real, Quezon.
Noong ika- 20 ng Disyembre 1987, mahigit 4,000 katao ang namatay nang sumalpok ang pampasaherong barko na MV Doña Paz sa oil tanker na MT Vector habang naglalayag sa Tablas Stait sa pagitan ng Oriental Mindoro at Marinduque.
Ang MT Vector ay may kargang 1,050,000 litro ng gasoline at iba pang produktong petrolyo kaya’t nang magkabangga ay agad na nagliyab at ang apoy ay mabilis na kumalat patungo sa MV Doña Paz na karamihan ng mga pasahero ay natutulog.