29.9 C
Manila
Martes, Hulyo 8, 2025

Mandatory na pagpapauwi ng mga Pilipino mula Israel at Iran sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan, pinag-aaralan

- Advertisement -
- Advertisement -

NITONG Hunyo 18, 2025, nilinaw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi pa ipinatutupad ang mandatory repatriation o sapilitang pagpapauwi sa mga Pilipino na nasa Israel at Iran.

Sa kabila ng tumitinding tensyon sa rehiyon, iniutos niyang manatiling boluntaryo ang proseso ng pag-uwi. Ipinahayag din niyang may nakahandang contingency plan, ruta via Jordan, suporta sa gabinete at susuriing maigi ang posibleng epekto sa presyo ng langis na dadaluhan ng fuel subsidy.

Ano ang “mandatory repatriation?” 

Ang mandatory repatriation ay tumutukoy sa sapilitang pag-uwi ng mamamayan mula sa ibang bansa kapag may nakitang seryoso at agarang panganib sa kanilang kaligtasan — karaniwan kapag may giyera, krisis politikal, o natural na sakuna.

Ayon kay Pangulong Marcos, “Hindi pa po ito ipinatutupad,” at patuloy na ibibigay sa bawat Pilipino at kanilang pamilya ang desisyon tungkol sa kanilang kaligtasan at kung nais na nilang umuwi.


Sa harap ng mga mamamahayag sa Quezon City, binigyang-diin ni Marcos na mas pinapahalagahan ng pamahalaan ang personal na pagpapasya ng bawat indibidwal base sa kanilang sariling pakiramdam ng seguridad.

Ayon sa kanya, “Hindi pa. Karaniwan naming iniiwan sa bawat indibidwal, sa bawat pamilya ang pasya kung ligtas pa ba ang pakiramdam nila, o kung gusto na nilang ma‑evacuate.”

Dagdag pa niya, “nakausap na namin ang lahat ng ating mga kababayan at tinanong kung gusto na nilang ma‑evacuate. May ilan na humihiling na mailikas palabas ng Israel. Sa Iran naman, noong una ayaw pa nilang umalis pero ngayon ay natatakot na sila, kaya humihingi na ng tulong para makalabas.”

Ipinahayag din niya ang pagkakalakip sa operasyon ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.

- Advertisement -

“Si Secretary Cacdac ay papunta na ng Jordan para i‑coordinate ang evacuation —pareho para sa mga mula Israel at mula Iran.”

Bakit mahirap ang agarang repatriation? 

Ipinaliwanag ng Pangulo na naging pangunahing problema ang pagsasara ng mga paliparan sa Israel at Iran dahil sa matinding bakbakan.

Dahil dito, “Ang naging problema natin sa kanila ay dahil sa giyera maraming airport ang sarado kaya naghahanap tayo ng ruta kung saan sila mailalabas.”

Dahil sarado ang airspace, napipilitan ang pamahalaan na magsuri ng iba’t ibang alternatibong ruta — kung via Jordan, Egypt, o ibang bansa — upang ligtas na mailikas ang ating mga kababayan.

Detalyadong contingency plan

- Advertisement -

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, mayroon nang malinaw na contingency plan na magsisilbing plano sa oras ng krisis, partikular kapag hindi na ligtas manatili sa Israel at Iran.

Aniya, “Meron nang contingency plan na dadalhin muna nila sa Jordan kasi wala na ang air travel mula sa lugar na iyon. At mula Jordan, baka may iba pang paraan para mailabas sila… at diretsong makabalik sa Pilipinas. May mga nakahanda nang mga pamilya.”

Isa rin sa binigyang-diin ni Bersamin ay ang paggalang sa desisyon ng bawat Pilipino, kabilang ang mga piniling manatili sa Israel dahil sa matagal nang relasyon o trabaho.

“Hindi mo maaalis ‘yan dahil alam mo, napapamahal na sa kanila ‘yung mga pinagsisilbihan nilang Israelis. Ang incidence ng ganun hindi naman masabi kung ilan… Pero ‘yung mga nakausap na, karamihan sa kanila ay nagpahayag ng kagustuhang umuwi.”

Estadistikang bilang ng mga kababayan

Samantala, sa Israel, tinatayang may 30,000 Pilipino na nagtatrabaho bilang caregivers, staff sa hotel, estudyante, inhinyero, at iba pa.

Sa Iran, may humigit-kumulang 1,200 Pilipino, ngunit hanggang sa ngayon ay walang opisyal na hiling para sa repatriation mula sa Iran.

Stranded na opisyal sa Israel

Ayon sa ulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), mayroong 17 opisyal ng gobyerno na na-stranded sa Israel dahil sa kaguluhan. Binubuo sila ng siyam na mayor, apat na vice mayor, dalawang party-list representatives, at dalawang regional directors na pumasok sa isang short course.

Ayon kay OWWA Administrator Patricia Caunan, “Meron na pong arrangement diyan. Kaya sa mga susunod na araw, magkakaroon na po tayo ng update. Hopefully sa darating na araw, nasa Maynila na rin po sila.”

Dagdag din ni House Secretary General Reginald Velasco,“Hindi pa natin makumpirma sa ngayon… posible na isinama lang ito sa kanilang travel itinerary… Nakikipag‑ugnayan kami nang malapit sa DFA.”

Repatriation ng 150 OFWs mula sa Israel

Idinagdag pa ni Caunan na may nakalatag nang plano para sa humigit-kumulang 150 Pilipinong manggagawa sa Israel. Ayon sa kanya:

“Mayroon nang nakalatag na plano para simulan na ‘yung repatriation ng iba nating kasamahan… Doon sa 150, siyempre inaayos ang kanilang mga dokumento.”

“Ang timetable namin: immediately, as soon as possible, so ang expectation namin the next coming days, weeks.”

Ipinabatid rin niya na makatatanggap ang mga uuwing manggagawa ng cash aid at livelihood training mula sa pamahalaan bilang bahagi ng kanilang reintegration program.

Tugon mula sa Iran

Ayon kay Bersamin:“Wala pa tayong feedback pa sa Iran kasi ang DMW ay nakatutok sa areas ng Israel, Jordan at Lebanon dahil sa Gaza war. Pero umaasa tayo na hindi malayo na meron ding kababayan natin sa Iran na mangangailangan ng suporta.”

Hanggang ngayon ay wala pang opisyal na sulat o hiling ang mga Pilipino sa Iran, ngunit inaaasahan ng gobyerno na magsusumite sila sa mga susunod na araw.

Inihahandang fuel subsidy

Dahil sa posibilidad ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa conflict sa Gitnang Silangan at posibleng pagsasara ng Strait of Hormuz, tiniyak ni Pangulo Marcos na inihahanda ang fuel subsidy para sa mga sektor na direktang maaapektuhan:

“Umpisa pa lang, ina‑assume na natin na tataas ang presyo ng langis at hindi ko nakikitang hindi ito mangyayari. Kasi kung ma‑block ang Strait of Hormuz, hindi makakalabas ang langis. Kaya maaapektuhan talaga ang presyo.”

Yung mga subsidies na dating binibigay natin — kung matatandaan n’yo noong pandemia — nagbigay tayo ng fuel subsidies. Ngayon, kailangan nating gawin ulit para sa mga sektor na maaapektuhan nang husto.”

Dagdag pa ni Bersamin: “Pinag‑uusapan pa ‘yan dahil meron nang pag‑aaral tungkol diyan, kaya lang hindi pa tapos because it’s always expected na mayroong ganyan nating pangyayari kapag mayroong conflict sa Middle East. Pero sana hindi masyadong mag‑spike yung presyo doon at hindi tayo masyadong maapektuhan… But in any case, nakahanda ang gobyerno na mag‑adopt ng measures that will lighten the load, the impact sa atin.

Bakit boluntaryo ang repatriation

  1. Pangunahing karapatan — Iniiwang magpasya ang bawat Pilipino base sa sarili nilang kalagayan.
  2. Logistika — sapagkat sarado ang mga paliparan — kailangan mag-set up ng alternate na ruta.
  3. Diplomatikong koordinasyon — kasama ang DFA, DMW, OWWA, embahada at iba pang ahensya.
  4. Ekonomiks — paghahanda sa fuel subsidy para hindi matamaan nang malala ang mga sektor tulad ng agrikultura at transportasyon.
  5. Social support — mula sa reintegration program na nagbibigay ng cash aid at livelihood training.

Piinagmulan ng bakbakan

Muling sumiklab ang digmaan noong nakaraang linggo nang isagawa umano ng Israel ang pagkubkob sa mga nuclear at missile facilities ng Iran bilang isang “preemptive strike.” Bilang tugon, naglunsad naman ang Iran ng raket sa Tel Aviv at Jerusalem, na nagdulot ng sunog at pagkasira sa ilan pang mga lugar.

Ayon sa mga opisyal, naitala na ang pagkasawi ng 24 katao sa Israel at 224 sa Iran, na kinabibilangan ng mga opisyal militar, siyentipiko, at sibilyan. Inilunsad din ng Israel ang Iron Dome anti-missile defense system, bagamat may mga missile pa ring tumama sa ilang lugar.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -